SA Sikolohiyang Pilipino, naalala ko ang aralin namin sa pag-intindi kung ano ang “sarili” at “kapwa”. S’yempre, wala pang usapin ng mental health noong mga unang taon ng Dekada 90, kaya hindi malinaw sa henerasyon namin na malaki ang ugnay ng pansariling kalusugan at ang halaga ng kagalingan o wellness ng katawan at kaisipan.
Hindi na pwede maliitin ang kabuluhan ng mental health. Ayon sa dating National Statistics Office, ang mental health illnesses ay pangatlo sa pangkaraniwang morbidity ng mga Pilipino. Sa isa namang pag-aaral ng World Health Organization sa Philippine mental health systems, 16% ng kabataan ay meron o nakakaranas ng mental health disorder.
Idagdag mo pa rito ang dumaang pandemya at ang “anxiety” o sobrang pag-alala ng mga kabataan tungkol sa kanilang hinaharap dahil sa kahirapan at climate change.
Mabuti at naging batas ang Philippine Mental Health Act o RA Republic Act No. 11036 noong June 2018. Pero pagkalipas ng limang taon nakalulungkot na aminin na marami pa rin tayong hamon para mabigyan na mahusay at mabisang tugon ang mental na kalusugan ng mga Pilipino.
Bakit ba malakas pa rin ang stigma sa usapin ng mental health?
Kasi malaki pa ang impluwensya ng kultura nating mga Pilipino. ‘Andyan ang marami pa ring naniniwala na hindi totoo ang depresyon at “anxiety”. Tapos, lagi mong naririnig sa mga matatanda na “magpakalakas” ka, kahit na anong mangyari. Meron din kelangan mong patunayan ang sarili mo sa mga magulang mo, kahit na nga hirap-hirap ka na sa pisikal, emosyonal at mental na katayuan mo sa buhay.
Medyo may kamahalan din kasi kung ang seryosong paghahanap ng medical advise o treatment sa mental health disorders. Hindi rin naman uubra na pumunta ka lang sa pinaka-malapit na health center nyo. Malamang hindi ka rin maiintindihan ng nurse o midwife doon.
Sa huli, ang “kapwa” mo ang pinakamadali na pwedeng mong malapitan at makatulong sa mental health situation mo. Iyong “kapwa” na “hindi ibang tao” at pwedeng sumabay at makinig sa mga problema mo.