
MAHIRAP ang katayuan ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez lalo’t nasa kanyang balikat ngayon ang pagbangon ng imahe ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na nabahiran ng mantsa dahil sa ilang miyembrong nasangkot sa katiwalian.
Buti na lang, maayos ang ginagawang pamamalakad ni Romualdez at patunay ang mataas pa ring trust at approval rating niya sa kabila ng mga banat laban sa kanya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Hindi naman lingid sa kaalaman ng marami, kontrabida ang mga kongresista sa pananaw ng maraming mamamayan dahil sa tinatamasa nilang pork barrel.
Mahirap na kasing malinlang ngayon ang marami sa sinasabing wala na raw sa palad ng mga kongresista ang pork barrel kundi nasa mga ahensiya ng pamahalaan sa mga nais nilang mga proyekto.
Siyempre walang maniniwala na walang pakinabang ang mga mambabatas sa proyekto kahit pa ang pondo ay nasa Department of Public Works and Highways.
Sa pagdinig sa budget ng pamahalaan para sa 2024, kinwestiyon ni Senator Grace Poe ang DPWH kung bakit naglaan sila ng mas malaking pondo para sa konstruksyon ng mga multi-purpose building sa ilalim ng National Expenditures Program sa susunod na taon kumpara sa pondong inilaan sa pagpapatayo ng mga bagong pampublikong paaralan.
Kung iisipin nga naman, ano ba ang mahalaga, karagdagang silid-aralan o multi-purpose building? Sabi ni Poe, P41.19 bilyon ang kabuuang inilaan ng DPWH sa pagpapatayo ng mga multi-purpose building habang P26.12 bilyon lang ang inilaan sa pagpapatayo ng mga bagong gusaling pampaaralan.
May dahilan upang madismaya ang senadorang anak ng Hari ng Pelikulang Pilipino dahil kulang ng 159,000 na silid-aralan sa buong bansa kaya ang mga mag-aaral sa malalayong probinsiya ay sa ginagawa ang klase sa ilalim ng malalabay na puno. Eh ano nga naman ang mapapala ng mga estudyante kung bubuhusan ng pondo ang multi-purpose building kaysa sa mga silid aralan?
Pero depensa rito ni DPWH Secretary Manuel Bonoan, ibinatay daw nila ang paglalaan ng pondo sa mga multi-purpose building sa pangunahing proyektong pang-imprastraktura ng mga miyembro ng Kongreso.
Alam ko na! Naisip nilang mas pagkakakitaan ang multi-purpose building kaysa mga silid aralan. Parang waiting shed lang na hindi naman kailangan pero para kumite ipinatayo sa lugar na ginawa lang namang tulugan ng mga palaboy at walang bahay.