MANILA, Philippines – Isang panukalang resolusyon ang ikinasa ni Senador Risa Hontiveros na nananawagan ng imbestigasyon ng Senado sa pagmimina ng nickel at iba pang mineral sa Sibuyan Island sa Romblon kabilang ang nangyaring kaguluhan sa pagtutol ng mamamayan sa aktibidad na nakasira sa kapaligiran.
Base sa Proposed Senate Resolution No. 459 hinikayat ni Hontiveros ang Senado na paiimbestigahan ang insidente na lubhang nakakaapekto sa residente na patuloy na nagtatayo ng human barricade upang tutulan ang pagmimina sa kanilang lugar.
Inihain ni Hontiveros ang resolusyon matapos mapaulat na dalawang residente ang nasaktan matapos puwersahang buwagin ng pulisya ang human barricade na itinayo laban sa pagmimina.
“Hindi dapat nauuwi sa karahasan ang mapayapang pagtutol ng mga residente sa pang-hihimasok ng mga kumpanyang nagmimina sa sarili nilang tahanan. Gusto lamang protektahan ng mga residente ang likas-yaman sa kanilang lugar. The residents are well within their rights to protest,” ayon kay Hontiveros.
Sinabi ng senador sa naturang resolusyon na mahigit dalawang dekada nang tinututulan ng residente ang pagmimina sa kanilang isla partikular ang nickel na lubhang nakasisira sa kanilang kabuhayan at kalusugan.
Nagsimulang umigting ang pagmimina ng nickel sa Sibuyan matapos bawiin nitong Setyembre 9, 2021 ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang ipinalabas na cease and desist order laban sa Altai Philippines Mining Corporation (APMC).
Kaya’t nitong December 29, 2022, nakakuha ng mineral ore export permit ang kompanya na pinapayagang makapagmina ito ng 50,000 metriko toneladang ore.
Pero, sinabi ng residente na nabigo ang kompanya na makakuha ng barangay clearance, municipal business permit, foreshore lease contract sa DENR, at isang permit sa pagtatayo ng private port mula sa Philippine Ports Authority.
“The Senate should hear all stakeholders and unravel the layers of issues that have plagued Sibuyan island for decades. Nakakasira na nga ang malakihang pagmimina sa kalikasan, mukhang may paglabag pa ng mga batas ang kumpanya sa pagsasagawa ng kanilang negosyo. Paulit-ulit ang mga ulat tungkol sa karahasang dulot ng mga mining companies at panahon nang tunay na pakinggan naman ng gubyerno ang hinaing ng komunidad,” ayon sa senador.
Sinabi pa ni Hontiveros sa PSR No. 459 na “The Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Alfredo Pascual said that the Philippines was going to prioritize exporting processed nickel as a core economic strategy, a move seen to create pressure on the Philippines as the world’s second biggest nickel supplier.”
“This economic prospect can urge mining companies to aggressively do business that will undermine the rights and welfare of the people of Sibuyan. Baka sa kagustuhang umasenso nang mabilis, hindi na namamalayang may natatapakan na palang mga tao,” ayon kay Hontiveros.
Kinikilala ang Sibuyan Island bilang Galapagos ng Asya dahil sa mga kakaibang flora at fauna nito kaya’t idinetalye ng resolusyon ang daang bilang ng halaman at hayop na nadiskubre dito na dapat pangalagaan.
“We, in the Senate, should help champion the conservation of the island’s endemic flora and fauna, defend its coastal communities from long-term ecological devastation, and protect the residents from violent incursions of mining companies,” ani Hontiveros.
“Matindi ang epekto ng pagmimina sa buhay ng maraming Pilipino, lalo na ng mga indigenous peoples. Yung mga nagmimina, pag nakuha na nila ang gusto nila, lilipat na sila ng ibang lugar. Pero ang mga residente at pati mga apo nila, habambuhay na maninirahan sa Sibuyan Island. Kaya gagawin natin ang lahat upang siguraduhin na mamanahin ng susunod na henerasyon ng Romblon ang matabang lupa at mayabong na likas na yaman,” patuloy ni Hontiveros. Ernie Reyes