
INASAHAN na natin ang reaksyon ng mga retailer o
nagtitinda ng bigas sa mga mall, palengke, grocery at
barangay sa pag-iral ng kautusan ukol sa mababang
presyo ng bigas…ang Executive Order No. 39.
May hindi nagtinda ng mga P41 na regular milled rice at
P45 well milled rice kundi premium rice lang na mas
mahal.
Kaya may mga nabokya sa pagpunta sa mga bigasan
para bumili ng mga murang bigas.
Wala na ngang nabiling bigas, lugi pa sila sa pamasahe
sa traysikel, mahal na gasolina sa motor at pagod sa
paghahanap ng murang bigas.
Ang iba, humihiling ng panahon na ubusin muna nila ang
mga paninda nila na naabutan ng pag-iral ng EO para
hindi sila magkandalugi-lugi.
May mga basta na lang nagsara habang nagtinda nang
palugi ang iba.
Buong Pilipinas ang naapektuhan, mga Bro, ng nasabing
kautusan, lalo na ang maliliit na retailer.
Meron kasing normal na uri ng mga negosyante sa bigas.
Una ang malalaking kapitalista na importer at
mamamakyaw ng mga palay at bigas ng mga
magsasakang Pinoy.
Ikalawa ang mga pumapakyaw ng malakihan sa una saka
ikakalat sa mga retailer.
Ikatlo ang mga retailer na may asosasyong pambansa o
pangrehiyon na bumibili sa dalawang naunang uri.
Pang-apat ang maliliit na nagtitinda sa mga barangay at
sari-sari store.
Ang malalaking retailer na may-ari ng mga mall na
importer at bumibili sa mga Pinoy ay ‘di gaanong apektado
dahil mura ang imported at nasa P17-P18 kada kilo lang
ang bili nila ng lokal na palay nitong nakaraang anihan.
Magsimula sa pangatlo at pang-apat na retailer ang labis
na naaapektuhan ng mababang presyo at sila ang
nakararamdam ng pagkalugi.
Kase-kase o kaliwaan ang bilihan sa bigas na laro ng
pangatlo at pang-apat at sila na rin ang maliliit na retailer.
Tanong: Oks lang ba sa kanila ang P15,000 one time
ayuda?