MANILA, Philippines – Halos lahat ng Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) officials ay inaasahang mapoproklama sa araw mismo ng halalan, sinabi ng Commission on Elections (Comelec).
Sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na ang proklamasyon ay alas-9 ng gabi sa Oktubre 30.
Sa mga lugar na automated elections, magsisimula ang proklamasyon ng mas maaga sa ganap na alas 6 ng gabi.
Kabilang sa mga barangay na may automated elections sa BSKE ang Dasmariñas, Cavite at Pasong Tamo sa Quezon City.
Ang botohan sa Metro Manila, Legazpi, at Cebu ay gaganapin din sa 11 malls.
Inaprubahan din ng Comelec ang resolusyon na nagpapahintulot sa suspensyon ng proklamasyon ng mga nanalong kandidato na may hindi pa nareresolbang kaso bago ang halalan.
Sinabi ni Garcia na lahat ng nakabinbing kaso ng mga kandidato ay mareresolba sa loob ng dalawang linggo matapos ang halalan sa Oktubre 30.
Madidiskwalipika naman sa posisyon ang isang kandidato na mapapatunayang may election offense.
Samantala, inihayag din ni Garcia na isa lamang sa dalawang halalan sa 2025 ang automated.
Idaraos ang midterm national elections sa May 2025 at BSKE elections sa Disyembre 2025.
Ayon kay Garcia, inaprubahan ng Kongreso ang P22 bilyon para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE). Jocelyn Tabangcura-Domenden