Home OPINION KARAPATAN AT KAPAKANAN NG MGA MANGGAGAWA, BINABANTAYAN NG DOLE

KARAPATAN AT KAPAKANAN NG MGA MANGGAGAWA, BINABANTAYAN NG DOLE

Iniulat ng Kagawaran na noong nakaraang taon, naglabas ang Regio­nal Tripartite Wages and Productivity Boards ng mga wage order na nagtatakda sa pagtaas sa minimum na sahod sa mga manggagawa sa pribadong sektor sa labinglimang rehiyon at mga kasambahay sa labingdalawang rehiyon.

Sa usapin ng labor inspection, humigit-kumulang 36,638 establisimyento ang sumailalim sa inspeksyon na sumasakop sa mahigit 2.8 million na manggagawa sa buong bansa.

Nagsagawa rin ang DOLE ng TAV o Technical Advisory Visits sa humigit-kumulang 132,567 micro establishments, o may mga manggagawa na hindi hihigit sa sampu kung saan ginabayan sila sa pagsunod sa general labor standards at OSH o occupational safety and health standards.

Sa ilalim ng TAV, binibigyan ang mga micro establishment ng labor education at tinutulungan sila ng mga labor inspector o assistant labor inspector na kumpletuhin ang checklist at tukuyin ang kanilang mga kakulangan sa pagsunod. Mula roon, babalangkas sila ng kanilang mga mungkahing pagwawasto at mga kinakailangang tulong-teknikal.

Sa usapin ng pagtataguyod sa pagsunod sa mga pamantayan ng OSH, sinabi ng Kagawaran na 54,585 manggagawa ang sumailalim sa pagsasanay sa iba’t ibang kurso, tulad ng Basic OSH, Cons­truction Safety Training, at iba pa.

Sa pagsusulong ng labor at enterpri­se productivity, sinabi ng DOLE na mahigit 19,581 micro, small, and medium enterprises ang nabigyan ng orientation at training services sa productivity kung saan 29,346 employer at manggagawa ang lumahok.

Pinahusay rin ng Kagawaran ang tulong nito sa mga mahihinang manggagawa noong nakaraang taon sa pa­mamagitan ng mga programang pangkabuhayan at emergency employment program.

Humigit-kumulang 3.036 million be­nepisyaryo ang nabigyan ng emergency employment sa pamamagitan ng prog­ramang TUPAD o Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Wor­kers Program, habang mahigit 153,000 manggagawa naman ang nabigyan  ng tulong-pangkabuhayan sa ilalim ng DOLE Integrated Livelihood Program o Kabuhayan Program.

Sinabi ni Kalihim Laguesma na nakatulong sa pinahusay na implementasyon ng programa ang pinasimple at pinabilis na proseso sa pagsumite ng kinakailangang dokumento, inklusibong pagtukoy sa mga benepisyaryo at ang pinalawak na package of assistance.

Bilang suporta sa “Kadiwa ng Pa­ngulo,” pinangunahan ng Kagawaran ang “Kadiwa ng Pangulo para sa Manggagawa” noong nakaraang taon upang mailapit ang abot-kaya at de-kalidad na mga produkto sa mga manggagawa.

Sa pagdiriwang ng Araw ng Pagga­wa, ang aktibidad na pinangunahan ng DOLE ay nakapagbenta ng mahigit  Php 6.4 million sa buong bansa.

Previous articleMost wanted sa Bicol timbog sa NBI!
Next articleTARA NA AT MAGBASA