Home OPINION KARISMA NI PBBM SA PINOY, HINDI NAWAWALA

KARISMA NI PBBM SA PINOY, HINDI NAWAWALA

HINDI nawawala ang angking karisma ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa mga ordinaryong mamamayan, sa kabila ng ilang mga pagbatikos na ibinabato sa kanya ng mga kalaban sa politika.

Patunay na rito ang ginawang pagdumog sa kanya ng overseas Filipino workers kamakailan sa Singapore nang sorpresa siyang magtungo sa Lucky Plaza Mall na bantog na tambayan ng mga manggagawang Pinoy na naka-base sa nasabing bansa.

Marami nga ang kinilabutan nang masaksihan ang ginawang pagdumog ng libo-libong OFWs, hawak ang kanilang cellular phone para kuhanan ng larawan ang Pangulong BBM habang  sumisigaw ng “BBM! BBM!”

Pero siyempre, parang bangungot naman ang ganitong pangyayari sa panig ng kanyang mga close-in security, dahil hindi maalis ang kanilang pangamba na baka may magsamantala sa sitwasyon kahit pa nga wala sa mukha ni PBBM ang pangamba.

Sa halip, kinakitaan pa nga ng labis na tuwa ang Pangulo sa naging reaksiyon ng mga Pinoy sa Singapore sa ginawa niyang sorpresang pagbisita dahil hindi raw makukumpleto ang kanyang pagtungo sa naturang maunlad na bansa kung hindi siya makikipagkita sa kanyang mga kababayan.

Game na game pa nga si Presidente Marcos sa pakikipag-selfie sa  Pinoy workers na masuwerteng nakalapit sa kanya habang ang iba ay nakatikim pa ng yakap nang lapitan sila nito.

Nagtungo si PBBM sa Singapore upang dumalo at magsalita sa ika-10 Asian Summit na itinaguyod ng Milken Institute noong Setyembre 13 sa mismong araw ng kanyang ika-66 na taong kapanganakan.

Kasama niya sa pagtungo sa naturang bansa si First Lady Liza Marcos, anak nilang si Simon at pinsang si Speaker Martin Romualdez.

Siyempre, ang pinakamahalaga sa pagtungo ng Pangulo sa Singapore ay ang pakikipagpulong niya sa top executives ng malalaking negosyo tulad ng Dyson Technology at Valiram Group na parehong interesadong mamuhunan ng bilyong halaga ng negosyo sa Pilipinas.

Naging mabunga rin ang panonood nina PBBM at FL Liza ng Formula One Grand Prix 2023 sa Marina Bay dahil dito nakapulong nila sina Singapore Prime Minister Lee Hsien Loong at Deputy Prime Minister Lawrence Wong kung saan napagusapan nila ang pagtutulungan sa mga panahong may malaking hamong hinaharap ang buong mundo.

Previous articlePAGSASALAULA SA WPS AT ‘FISHING BAN’
Next articlePINOY SA DROGA, AIDS AT PROSTITUSYON