Home OPINION KARNENG GAWANG LABORATORYO DUMARAMI

KARNENG GAWANG LABORATORYO DUMARAMI

UMAARANGKADA na nang todo ang paggawa ng karne sa mga laboratoryo at tunay na karne ang mga ito, mga brad.
Unang gumawa nito ang isang kompanya sa Singapore at ngayon, may dalawa na sa Amerika.

Noong 2020 pa inuulam ang gawang Singapore habang nagsisimula pa lang na magbenta sa mga restoran ang gawang Amerika.

Ang presyo sa Singapore, 17 dolyar kada kilo habang 50 sa ‘Merika.

Ang ginagawa, kakayod sila ng celula o laman ng manok o anomang hayop saka isasalang ang mga ito sa bioreactor.

Doon na lalaki nang lalaki ang karne.

Kung manok ang gusto mo, meron, at kung baboy, meron din at kung ano-ano pa.

Kung ang isang manok, eh, darami ang karne nito halimbawa sa isang tonelada o 1,000 kilo, gayundin ang isang baboy o baka na maging 1,000 beses ang laki, aba, darating ang araw na hindi na natin poproblemahin ang suplay ng karne.

Ang masama lang, eh, kung puro imported mula sa ibang bansa ang maging karne sa ating mga hapag-kainan sa Pinas.

Patay na ang hanapbuhay ng mga magmamanok, magbababoy, magbabaka, magkakambing, magra-rabbit at iba pa.

Gudbay na rin ang gatas, keso, papaitan, litson at iba pa, gayundin ang mga gumagawa ng feeds, magmamais para sa hayop at iba pa.

Sa ngayon, kalahati ng lupain sa ‘Merika ang pinag-aalagaan ng baka.

Kapag lumawak at lumaki nang husto ang karneng laboratoryo, kakaunti na lang ang kailangan nilang lupa para pagpastulan ng mga karne na pagkayuran nila.

Nasa 14-17 porsyento ng polusyon sa mundo ang galing sa dighay, utot at dumi ng mga baka at isa itong dahilan ng pag-iinit ng mundo o climate change.

Kung kokonti na lang mula sa 1 bilyong baka sa mundo ang mabubuhay, malaking kabawasan sa init ng mundo ang magaganap.

Ano nga ba ang mangyayari rin sa mga naghahayupan at magsasakang Pinoy?

Nganga?

Previous articleTAN, GIBO: ‘NO, NO’ SA PEKENG PEACE TALKS
Next articleKONTROBERSYAL NA PULITIKO?