MANILA, Philippines – Sinabi ni Health Secretary Teodoro Herbosa na hindi sapat ang kasalukuyang suplay ng bakuna para masakop ang lahat ng Filipino sa bansa.
Ang mga bivalent vaccine ay isang uri ng bakuna na nagta-target ng mga partikular na variant ng COVID-19, tulad ng mas nakahahawang Omicron.
Nasa 390,000 doses ng bivalent vaccines ang ibinigay na donasyon ng Lithuania at dumating sa bansa noong Hunyo 6.
“Kulang na kulang po itong 390,000 so what we need to do is to prioritize who needs it first. One, the elderly. Second, those with comorbidity, and third, healthcare workers. Since nag-wane na ‘yung immunity nila, we need to protect them all,” sinabi ni Herbosa sa press briefing.
Sinabi pa ni Herbosa na ang bakuna ay naipamahagi na sa ibat-ibang health centers sa ibat-ibang local government units (LGUs).
Karamihan ay ipinamahagi sa Metro Manila.
Ayon kay Herbosa, marami pa ang gustong mag-donate kaya nakikipag-usap pa sila para makakuha ng mas higit pa at maaaring may mga procurement na kailangan aniyang gawin.
Gayunman, sinabi ni Herbosa na may mga “snags and issues” na maaring makakapagpabagal sa proseso ng procurement.
Ang tinutukoy ni Herbosa ay ang pagtatapos ng panahon ng state of calamity na dulot ng COVID-19. Jocelyn Tabangcura-Domenden