Home OPINION KASAMBAHAY SA CENTRAL LUZON TATANGGAP NG MAS MATAAS NA SAHOD

KASAMBAHAY SA CENTRAL LUZON TATANGGAP NG MAS MATAAS NA SAHOD

Tatanggap ng mas mataas na sahod ang mga kasambahay sa Central Luzon simula sa ika-1 ng Abril 2024, matapos ilabas ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board ang motu propio Wage Order No. RBIII-DW-noong ika-4 ng Marso 2024 kung saan itinataas ang buwanang minimum na sahod ng mga kasambahay ng P1,000 sa Chartered Cities at First Class Municipalities at P1,500 sa Other Municipalities. Magiging P6,000 ang buwanang minimum na sahod sa rehiyon.

Inaasahang makikinabang ang kabuuang 126,762 na mga kasambahay sa pagtaas ng sahod kung saan ang humigit-kumulang na 9% (11,595) sa kanila ay nasa live-in arrangement.

Bilang pagsunod sa mga umiiral na batas at patakaran, isinumite ang wage order sa National Wages and Productivity Commission (NWPC) para sa pagsusuri at pinagtibay ito noong ika-12 ng Marso 2024. Ipalalathala ang wage order sa ika-16 ng Marso 2024 at magkakabisa 15 araw matapos ang publikasyon, o sa ika-1 ng Abril 2024.

Isinaalang-alang sa pagtaas ng sahod ang resulta ng isinagawang survey at idinaos na pampublikong pagdinig, gayundin ang mga pangangailangan ng mga kasambahay at kanilang pamilya, ang kakayahang magbayad ng employer, at ang kasalukuyang panlipunan-ekonomiyang kondisyon ng rehiyon. Ang Lupon, na binubuo ng mga kinatawan mula sa pamahalaan, namumuhunan, at sektor ng manggagawa, ay nagsagawa ng pampublikong pagdinig sa rehiyon noong ika-25 ng Pebrero, sa San Fernando City, Pampanga.

Magsasagawa ng information campaign ang RTWPB III upang tiyakin ang pagsunod sa bagong wage order. Para sa ka­ragdagang paglilinaw mula sa wage order, maaaring mag-email sa RTWPB sa [email protected].

Ang huling wage order para sa mga kasambahay sa rehiyon ay inisyu noong ika-30 ng Mayo 2022 at naging epektibo noong ika-20 ng Hunyo 2022.

Samantala, ang kasambahay na nakakaranas ng pang-aabuso o nais magsumbong sa ginagawang ng employer na naglabag sa batas sa paggawa ay hinihimok na bisitahin ang pinakamalapit na mga tanggapan ng rehiyon ng DOLE sa buong bansa o tawagan ang DOLE Hotline 1349.

Previous articleInflation rate sa Marso ‘di tataas kaysa sa Pebrero – NEDA
Next articleSINISILIP NG OMBUDSMAN ANG CHOCOLATE HILLS RESORT