
TINALAKAY natin kahapon kung paano sirain ng heat wave sa pamamagitan ng heat stroke ang buhay ng tao.
Sa Europa lang noong 2003, may namatay na 70,000 habang nasa 62,000 ang namatay naman noong 2022; sa United States, taon-taong may 700 patay at sa Mexico, nasa 112 na ang patay sa taong ito lamang.
Sa Asia, ang bansang India ang may pinakamaraming namamatay sa heat wave sa bilang na 197 hanggang nakaraang buwan lamang ngayong taon.
Ganyan kabagsik ang heat wave na direktang pumapatay o sumasakay sa mga sakit sa puso, high blood at iba pang mga seryosong sakit para lang pumatay.
Maswerte-swerte tayo sa Pinas at kakaunti lang ang nasasawi sa heat wave at heat stroke.
HUWAG MAGPAKASEGURO
Sinasabi ng ilang ekonomista natin na kakaunti lang ang magiging epekto ng El Nino sa ekonomiya ng bansa at maaaring hindi natin mararamdaman masyado ang heat wave na nagaganap sa ibang bansa.
Nagsimula na ang El Nino at matatapos ito sa Marso 2023.
Paliwanag ng iba sa kanila, ito’y dahil nataon ang El Nino sa tag-ulan at medyo malamig din sa unang tatlong buwan ng 2023 sa mahal kong Pinas.
Tama nga naman.
Pero huwag tayong magpapakaseguro.
Dapat paghandaan pa rin ito at ngayon pa lang, kumilos na tayo, ayon sa mga panawagan ng pamahalaan at sarili nating mga karanasan.
PERWISYO SA KULANG NA TUBIG
Sinasabi ng mga awtoridad na kulang na kulang na ang tubig sa Angat dam na pinagkukunan ng 90 porsyento ng tubig-inumin ng nasa 20 milyong mamamayan sa Metro Manila, Rizal at Cavite.
Kaya magkakaroon ng pagtigil ng suplay ng tubig sa 660,000 suki ng Maynilad sa mga darating na araw.
Siyam na oras ang pagtigil at isasagawa ito sa gabi hanggang madaling araw.
Dahil dito, marami ang mapiperwisyo sa pagtaas ng presyo ng bottled water, marami ang mamatayan ng alaga gaya ng mga manok, may mga patitigilin din sa ilang hanapbuhay gaya ng mga carwash at maaaring matigil din ang suplay ng tubig sa libo-libong ektaryang sakahan, lalo na sa Bulacan.
KURYENTE MAGMAMAHAL
Dahil sa init ng panahon, marami ang bibili at gagamit ng mga pampalamig gaya ng electric fan at airconditioner.
Ngunit maaaring tataas ang bayarin sa kuryente sa paggamit ng mga pampalamig at kakulangan ng tubig sa paghina ng kuryenteng likha ng mga dam.
May 70 na dam at iba pang anyo nito na lumilikha ng 16 porsyento ng kuryente sa Pinas.
Kapag may matuyuan ng tubig o labis na kakulangan nito, hihina ang suplay ng kuryente na magiging isang dahilan ng pagmamahal ng kuryente na perwisyo sa lahat.
Peste sa hayop at mga halaman, mahal na kuryente, madalas na brownout at blackout at iba pa ang ibubunga ng El Nino na kakambalan ng heat wave.