MANILA, Philippines – May kabuuan nang 80,318 na kaso ng dengue sa buong bansa hanggang noong Hulyo 15, 2023.
Ang patuloy na pagtaas ng mga kaso ng dengue ay naobserbahan dahil ang Morbidity Week 14 – mga kaso na iniulat tatlo hanggang apat na linggo ang nakararaan ay nagpapakita ng 16% na pagtaas, na may 9,486 na kaso kumpara sa nagdaan pang dalawang linggo.
Lahat ng rehiyon maliban sa Rehiyon II, BARMM, at Caraga ay nagpakita ng pagtaas ng mga kaso sa nakalipas na 3-4 na linggo.
Sa MW 1-28 kaso, 1.23% (990) ang nagkaroon ng matinding dengue. Umabot naman sa 299 ang namatay sa mga kaso na iniulat nitong MW 1-28 2023 (CFR: 0.37%), 39 (13%) sa mga pagkamatay na ito ay nagkaroon ng dengue nang walang sintomas.
Ayon sa Department of Health, ang mga kaso ng dengue ay maaari pang tumaas dahil sa naantalang pag-uulat.
Nagpaalala rin ang Kagawaran na kahit sino ay maaaring madapuan ng W.I.L.D Diseases o ng Waterborne diseases, Influenza, Leptospirosis at Dengue nang dahil sa baha at tuwing tag-ulan.
Upang maiwasan ang naturang mga sakit, nagbigay ng ilang mga hakbang upang maiwasan na magkaroon nito.
Unang-una sa lahat, iwasang magtapon ng basura kung saan-saan, maski na hindi tag-ulan.
Makatutulong ito sa pananatili ng malinis na kapaligiran na maaaring bahayan ng lamok at daga.
Sa oras ng pagbaha, iwasan ang paglusong sa baha, kung hindi maiiwasan, magsuot ng bota.
Huwag uminom ng marumi at kontaminadong tubig – hindi lamang tuwing may baha kundi sa araw-araw – dahil maraming mga mikrobyo sa maruming tubig na makasasama sa ating katawan.
Kung hindi siguradong malinis ito, pakuluan muna ng tatlong minuto bago inumin.
Mabuting alalahanin din ang 5S Strategy na: search and destroy mosquito breeding sites; uphold self-protection like using of insect repellents; seek early consultation at the nearest health care facility; support fogging, spraying, and misting in hot spot areas; at sustain hydration.
Para sa mga binabaha ang lugar, laging ihanda ang mga Go-Bag na may mga damit na maaaring pamprotekta sa lamok, sakaling kailanganing lumikas.
At kung posible, magpabakuna na rin laban sa trangkaso o flu. Jocelyn Tabangcura-Domenden