MANILA, Philippines – Sumipa ng halos 300% ang kaso ng leptospirosis sa unang anim na buwan ng 2023 sa Iloilo.
Sa babala ng Iloilo Provincial Health Office (IPHO), naitala ang 107 kaso ng leptospirosis na may dalawang nasawi mula Enero hanggang Hunyo 24, o 296 na mas mataas kumpara sa 27 na kasong naitala sa kaparehong panahon noong 2022.
Itinuturong dahilan naman ni Rodney Labis ng IPHO na ang pagtaas sa mga kaso ng sakit ay dahil sa pagbaha, lalo na at tuloy-tuloy ang pag-ulan sa probinsya sa mga nagdaang linggo.
Aniya, ang leptospirosis ay nakukuha sa pamamagitan ng direct contact sa ihi, dugo o laman ng isang infected na hayop.
“Contact commonly occurs when the skin or the linings of the eyes, nose, sinuses, and mouth, come in contact with infected material,” ani Labis.
“Farmers are also at great risk because their work requires them to sink their feet into water in the fields, which may also be contaminated by the disease,” pagpapatuloy niya.
Sa nabanggit na bilang, 14 na kaso ng leptospirosis ang naitala sa Cabatuan, 12 sa Barotac Nuevo, 11 sa Pototan, pito sa Anilao, tig-lima sa Dingle at Oton, tig-aapat sa Santa Barbara, Dumangas at San Enrique, at tatlo naman sa Mina.
Sa mga nasabing lugar, ang Cabatuan ang may pinakamataas na paglobo ng sakit sa 1,300% mula sa nag-iisa lamang na naitalang kaso noong nakaraang taon.
Samantala, naitala naman ang dalawang nasawi sa bayan ng Badiangan at Carles.
Wala namang naitalang kaso ng sakit sa mga bayan ng Ajuy, Passi, Guimbal, Igbaras, Lambunao, Leganes, San Dionisio, San Joaquin, San Rafael, Sara, at component city ng Passi. RNT/JGC