MANILA, Philippines- Sinabi ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Susan Ople na tatalakayin niya sa mga awtoridad ng Hong Kong ang kaso ng isang overseas Filipino worker (OFW) na namatay nang mahulog habang naglilinis ng bintana ng apartment ng kanyang amo.
Sinabi ni Ople na wala ito ilalim ng criminal law ng Hong Kong ngunit itutuloy nila ang lahat ng legal na paraan.
Ayon pa sa kalihim, kakausapin din nila ang counterpart na si Minister Sun [Yuk-han] ng Hong Kong, upang ipahayag ang kanilang alalahanin para sabihin na hindi na dapat ito mangyari dahil malinaw na ito ay prohibited act.
Nahulog ang OFW mula 18th floor habang naglilinis ng bintana ng apartment building noong Lunes.
Simula 2017, ang domestic helpers ay pinagbabawalan nang maglinis ng bintana sa Hongkong.
Sinabi ni Ople na dapat may grills ang bintana at hindi dapat nakalabas ang katawan ng manggagawa kundi kamay lang kung maglilinis ng bintana.
“Pwede sanang hindi nangyari kung nasunod lang yung terms and conditions ng kontrata niya,” sabi ni Ople.
Nanindigan ang DMW na ang employer ang may pananagutan sa insidente kahit na lumalabas sa unang impormasyon na sila ay tulog nang mangyari ang insidente.
Sinabi ng ahensya na responsibilidad pa rin ng employer ang kaligtasan ng kanyang empleyado.
Ang insidente ay nakita umano ng building staff na siyang nag-report sa pulisya ayon na rin sa ulat. Jocelyn Tabangcura-Domenden