MANILA, Philippines- Tinapos na ng panel of prosecutors ng Department of Justice ang imbestigasyon sa mga kasong isinampa ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay sa paglubog ng MT Princess Empress.
Idineklara ng panel na submitted for resolution na ang mga kaso na inihain ng NBI tungkol sa malawakang oil spill sa Oriental Mindoro at iba pang lugar na dulot ng nasabing insidente.
Ilan sa mga reklamo ay falsification of public or official documents at paggamit ng falsified public documents.
Kasama sa mga respondent sa reklamo ay ang 19 tauhan ng Philippine Coast Guard.
Humarap sa huling pagdinig ng DOJ ang 19 tauhan ng PCG at nagsumite ng rejoinder affidavit bilang sagot sa reply affidavit ng NBI.
Itinanggi ng kampo ng PCG personnel ang alegasyon ng pamemeke ng mga dokumento ng MT Princess Empress.
Ayon kay Atty. Reyben, abogado ng PCG personnel, ministerial ang ginawa ng 19 personnel na pagtanggap sa mga papeles at hindi sila ang makapagsasabi kung pineke ang mga ito ng barko. Teresa Tavares