Home NATIONWIDE Kaso vs Guo ikinakasa na ng Comelec

Kaso vs Guo ikinakasa na ng Comelec

MANILA, Philippines- Inaasahang patong-patong na kaso ang kahaharapin ni Bamban Mayor Alice Guo kung saan plano na ring maghain ng kaso ng Commission on Elections (Comelec) para sa umano’y pagpapanggap nito na isang  Filipino citizen nang maghain siya ng  Certificate of Candidacy noong 2022.

Ito, ayon kay Garcia, ay malinaw na paglabag sa Omnibus Election Code.

Sinabi ni Garcia na maari namang mag-motu propio ang Comelec, maghain ng kasong kriminal o section offense sa pamamagitan ng kanilang law department lalo na kung merong pagsisinungaling sa COC.

Ayon kay Garcia, ang Certificate of Candidacy ay pinanunumpaan.

“Kahit po walang additional documents, naniniwala ang batas, ang COMELEC na magkakaroon ng tunay na deklarasyon ang mga kandidato, sapagkat ito po ay pinanumpaan nila,” dagdag pa ni Garcia.

Gagamitin din aniya ng komisyon ang kapangyarihan nito lalo na kung may paglabag sa ating Omnibus Election Code.

“Dapat ang Comelec nagmo-motu propio, lalo pa’t malinaw ang ebidensya, at kung makikita talaga na paglabag katulad ng ginagawang imbestigasyon ngayon ng Senado, ng OSG at ng National Bureau of Investigation,” wika pa ni Garcia.

Sinabi ni Garcia na hinihintay lamang ng komisyon ang desisyon ng Office of the Solicitor General sa kaso ni Guo bago ihain ang kaso nito.

Pinuri rin niya ang Philippine Statistics Authority at ang National Bureau of Investigation sa kanilang mga natuklasan. Jocelyn Tabangcura-Domenden