MANILA, Philippines – Nagbabala ang Commission on Elections (Comelec) sa mga magpriprisinta ng pekeng dokumento sa kanilang paghahain ng kanilang Certificate of Candidacy o COCs.
Sa unang araw ng COC filing, ibinahagi ni Garcia na mayroong kandidato na magsumite ng pekeng birth certificate na kahit na ang indibidwal ay itinuring na over aged para sa posisyon na kanyang tatakbuhan.
“Meron d’yan sa Maynila, may nakita pa nga na mga fake na mga dokumento. Kaya sinabi natin dapat kumpiskahin ang mga pekeng papel na ‘yan at pagkatapos ay pa-file-an natin ng kaso ‘yung nag-attempt pa rin na nag-file n’yan. Akala po kasi nila hindi naming ika-counter check at akala ganon kami magiging maluwag sa pagfa-file ng COC,” sabi ni Garcia.
“Yung mga birth certificate para lang patunayan na sila ay hindi overaged, magpo-produce ng birth certificate, muli, sa mga hindi pa nagpa-file ng COCs, wala kaming pakialam sa birth certificate ninyo. Ang pagbabasehan naming yung record ng Comelec—‘yung voters registration record sapagkat kayo mismo ang nag-accomplish non… ‘Yun ang basis namin para alamin kung ikaw ay of age or overaged,” dagdag pa ng opisyal.
Dagdag pa, sinabi ni Garcia na hindi sila tatanggap ng mga incomplete COC at filers na overaged na at hindi rehistradong botante.
Inulit din ng Comelec chief ang kanyang babala laban sa premature campaigning.
“Hindi rin kayo maalala ng mga botante kahit umikot kayo ng umikot at umikot. Maalala kayo ng botante sa October 19 to 28. D’yan kayo mangampanya. Ngayon, kapag umikot kayong lahat magastos,” dagdag pa ng opisyal. Jocelyn Tabangcura-Domenden