Home NATIONWIDE Kasong graft vs Lao, PS-DBM officials sa Pharmally anomaly, ikinatuwa ng solons

Kasong graft vs Lao, PS-DBM officials sa Pharmally anomaly, ikinatuwa ng solons

MANILA, Philippines – Lubos na ikinatuwa ni Senador Risa Hontiveros at Francis “Chiz” Escudero ang pagsasampa ng kasong graft laban kay dating Undersecretary Lloyd Christopher Lao at dalawa pang executives ng Pharmally Pharmaceutical Corporation na sangkot sa pagbili ng overpriced COVID-19 supplies.

Inirekomenda ng Office of the Ombudsman ang pagsasampa ng kasong graft laban kay Lao, at tatlong dating opisyal ng Procurement Service-Department of Budget and Management (PS-DBM) na sina procurement group director Warren Rex Liong, at dating procurement management officer Paul Jasper De Guzman.

Sinabi ng Ombudsman sa resolusyon na ipinalabas nitong Agosto 14, na nalugi ang pamahalaan sa pagbili ng overpriced na medical supplies sa Pharmally na aaabot sa P4.165 bilyon.

“Sana ay magsilbi ang araw na ito bilang babala sa lahat ng nagpaplanong nakawin at lustayin ang kaban ng bayan: Darating at darating ang hustisya,” ayon kay Hontiveros sa statement.

“Isang welcome at much-awaited development… Mahalagang hakbang ito tungo sa pagsingil ng accountability at hustisya laban sa mga taong nasa likod ng kahindik-hindik na pagsasayang at maling paggamit ng limitadong pondo ng pamahalaan habang naghihirap ang mga Pilipino sa gitna ng pandaigdigang pandemya,” dagdag ng senadora.

Pinuri naman ni Escudero ang rekomendasyon ng Ombudsman pero nagulat lamang kung bakit hindi naisama ng kasong plunder.

“The wheels of justice may be slow but it continues to grind nonetheless,” ayon kay Escudero.

“I wonder why plunder charges were not recommended given the amount involved which clearly exceeds the threshold of P50 million for plunder,” aniya.

Ikinatuwa din ni dating Senate President Franklin Drilon ang rekomendasyon ng Ombudsman laban kay Lao at iba pang opisyal na maanomalyang pagbili ng medical supplies na “magsisilbing mahalagang hakbang sa pagpapanagot sa kanilang katiwalian.”

Nanguna si Drilon sa pagbubulgar ng corruption scheme sa pagbili ng COVID-19 supplies sa ginanap na pagdinig ng Senado hinggil sa kontrobersiyal na anomaly noong 2020 at 2021.

Umabot lamang sa P625,000 ang capital ng Pharmally pero nakakuha ng bilyong halaga ng medical supplies project mula sa PS-DBM.

Mula sa zero income na idineklara noong 2019, sinabi ni Drilon na umabot sa P384 milyon ang gross income nito at nagkaroon ng tubong P264,65 milyon nitong 2020.

“It only goes to show that any form of corruption will be met with severe consequences. Our duty is to ensure that public funds are utilized for the benefit of the people, particularly during emergencies,” ayon kay Drilon. Ernie Reyes

Previous articleNegOr bantay-sarado ng AFP sa BSKE 2023
Next articleTINGNAN: Ilang basketball fans bumiyahe na pa-Philippine Arena sa pagbubukas ng FIBA