KASABAY nang pagkondena sa mga miyembro ng Tau Gamma Phi Fraternity ng Philippine College of Criminology itinurong suspek sa pagkakapatay sa isang neophyte member sa pamamagitan ng hazing, ipinangako ni National Capital Region Police Office director P/BGen Jose Melencio Nartatez Jr. ang pagbibigay ng hustisya sa pagkamatay ng biktima.
Hinimok din ng regional director ng NCRPO ang publiko na makiisa sa isinasagawang imbestigasyon ng Quezon City Police District sa pamamagitan ng pagbibigay ng tamang impormasyon hinggil sa pagkamatay ni Ahldryn Leary Chua Bravante, 25, 4th year criminology student ng PCCR.
Naunang inatasan ni Nartatez ang QCPD – Criminal Investigation and Detection Unit upang magsagawa ng malalimang imbestigasyon matapos matanggap ang impormasyon kaugnay sa hazing kung saan sangkot ang 16 na miyembro ng Tau Gamma Phi Fraternity ng PCCR.
Sinabi ng RD ng NCRPO, kailangang tiyakin ng mga imbestigador na hahantong sa paghatol sa lahat ng suspek ang kanilang ginawang pag-iimbestiga.
Giit pa ni Nartatez, inirerespeto ng NCRPO ang lahat ng fraternity na sumusuporta sa misyon ng Philippine National Police bukod pa sa kinikilala ng pamunuan ng pulisya ang stakeholders ng komunidad at kapatiran kung saan pareho ang kanilang adbokasiya.
“Hinding-hindi ko kukunsintihin ang mga abusadong gawaing ginawa kaugnay ng insidenteng ito ng hazing at sinisiguro ko sa inyo, ang NCRPO ay magdadala ng hustisya tungkol sa pagkamatay ng biktima,” mahigpit na tinuran ni Nartatez.
Sa ulat, nag-utos ang RD ng NCRPO ng malalimang imbestigasyon at pag-aresto sa lahat ng mga suspek na sangkot sa brutal na pagkamatay ni Bravante na naisugod sa Chinese General Hospital ng dalawang miyembro ng Tau Gamma Phi na sina Justin Cantillo at Kyle Michael De Castro noong Oktubre 16 bandang alas-7 ng gabi.
Walang malay ang neophyte member nang isugod sa pagamutan dahil sa mga tinamong bugbog sa buong katawan sa isinagawang hazing sa kanya ng mga miyembro ng fraternity sa isang abandonadong gusali sa tabi ng STEPS Condominium sa kahabaan ng Calamba St., Barangay Sto. Domingo, QC.
Sa salaysay nina Cantillo at De Castro, naunang nagkita ang biktima at mga suspek sa PCCR bago nagtungo sa abandonadong gusali kung saan isinagawa ang hazing na dahilan nang pagkawala ng malay matapos mahirapang huminga kaya isinugod sa nasabing pagamutan kung saan idineklara itong dead on arrival.
Itinuro at kinilala ang mga suspek na sina Alfred Asinero, Alfredo Bautista, James Edcel Robiso, John Gabriel Cayabcab, Adrian Castro, John Lloyd Bautista, Art Rico, Keith Alcazar, at isang alias Kenneth. Lahat sila ay nakalalaya pa.
Nasa ksutodiya naman ng pulisya sina Cantillo; Mark Leo Domecillo Andales; pawing Deputy Grand Triskelion ng grupo; De Castro, treasurer; Lexer Angelo Diala Manarpies, master initiator; John Xavier Clidoro Arcosa at John Arvin Kaylle Regualos Diocena.
Sa isinagawang autopsy ng QCPD Forensic Unit, nabatid na ang nagging sanhi ng kamatayan ni Bravante ay ‘severe blunt trauma, both lower extremities’.
Nakita rin na puro bugbog at pasa ang buong katawan ng biktima at may paso rin ng sigarilyo sa kanyang dibdib at mga kamay na siyang sinasabing dahilan ng kanyang maagang kamatayan.
Sana lang, matigil na ang mga karahasang kinasasangkutan ng mga fraternity dahil sa totoo lang, isa itong kapatiran na dapat ay hind imaging malupit at marahas ang pagtanggap sa bagong miyembro subalit ang nangyayari ay nagiging daan ito ng pagkawala ng buhay ng isang nagnanais na magkaroon ng kakampi at magkaroon ng magandang karanasan sa pagsali sa mga grupo sa paaralan.
Pero sa nangyayari ngayon, dapat lang talaga na sampahan ng kaso ang mga nasangkot sa hazing upang huwag na silang pamarisan pa ng iba.
Lamang, hindi ito ang unang pangyayari. Maraming nauna pa subalit hindi pa rin nagtatanda ang ibang opisyal at miyembro kaya nagaganap at nagaganap ang hazing at initiation rites.