MANILA, Philippines – Hiniling ng isang senador sa pamahalaan na isama ang indigenous people o mga katutubo sa pilot run ng food stamp program upang makatulong sa pagbabangon sa kahirapan.
Sa pahayag, iginiit ni Senator Francis Tolentino na maraming grupo ng katutubo sa bansa ang kumakain ng bigas minsan isang linggo at mayroon lamang silang halaman-ugat bilang pagkain.
“Kasi sa experience ko last week, I visited several tribes in the mountains of Davao del Norte. I was given rice, umaga, nag-breakfast kami. Sabi nila, once a week lang sila nagra-rice,” aniya sa deliberasyon sa hinihinging ₱209.92-billion budget ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa 2024.
“Maliliit ‘yung mga bata, the town is called Kapalong, isang tribo ng mga Manobo. So the rest of the week ang kinakain nila ay root crops,” giit niya.
Tinatarget sa pilotrun ng food stamp program na magtatapos sa Disyembre, ang 3,000 pamilya mula sa malalayo at sinalantang lugar sa buong bansa. Naglaan ang Asian Development Bank (ADB) ng US $3 million grant para sa pilot test.
Sa ilalim ng food stamp program, makakakuha ang bawat pamilya ng tap cards na naglalaman ng P3,000 halaga ng food credits.
Ayon kay Social Welfare Secretary Rex Gatchalian na ikokonsidera ng ahensiya ang mungkahi ng senador dahil magbibigay ng panibagong $2 milyong grant ang ADB.
“The initial grant was $3 million, but ADB is working out another grant for another $2 million and hopefully we will incorporate your input of looking into high concentration of IP communities,” aniya.
Kabilang sa mailalahok sa food stamp program ang buntis at nagpapasusong ina uapang tugunan ang pagkakabansot ng kabataaan.
Iminungkahi ni Gatchalian na bigyan ng insentibo ang barangay health workers (BHW) sa pag-updating ng kanilang database sa mga buntis sa kanilang lokalidad.
“That’s why part of the program that we want to pitch later on to the economic managers when they start funding the program is to come up with a database that is LGU-driven,” aniya. “We can do incentives for our BHWs to correct, to update it biannually so we capture the picture of our pregnant and lactating women.” Ernie Reyes