KAYANIN NATING MAG-MOVE ON

KAYANIN NATING MAG-MOVE ON

June 29, 2020 @ 3:27 PM 2 weeks ago

  •  
  •  
  •  
Share

Sa kabuuan, ‘di lamang dito sa ating bansa kundi sa lahat na ng panig ng daigdig, ang mundo nating ginagalawan ay biglang nagbago at nasa mapanganib na sitwasyon kada oras at araw.

Lalo na, halos lahat tayo ay bagot na sa mga nangyayari at ipinagagawa sa atin na mga pag-iingat, gaya ng pananatili sa ating mga tahanan.

Ngunit hindi natin maikakaila na ang virus na COVID-19 ay naririto pa at patuloy sa paglaganap. So wala tayong ibang magagawa kundi ang “mag-move on”, ika nga.

Hindi ba’t may mga nangyayari naman talagang biglaan sa ating mga buhay at tayo pinag-iisip kung paano natin maibabalik ang dati nating mga nakagawian na?

Dinurog tayong lahat ng pandemya, ngunit ‘di tayo dapat magpatuloy na natatakot na lamang at nababalisa palagi.

Makikita natin sa iba nating kababayan ang katatagan na angkin ng lahing Filipino.

Katatagan na kahit nawalan na ng trabaho ay nakapag-isip na agad ng maipapalit na pagkukunan ng kabuhayan.

Ito ang kailangan natin upang makapag-move on. Ang alisin o pawiin ang kirot ng buhay dahil sa pandemic.

Nakita nating sumirit ang online selling o business.

Pagtitindang gamit ang social media.

Kahit ano ‘di ba ang inaalok na ng ating mga kakilala, kaibigan at kahit na nga mga kaanak natin. Ito ay para mabuhay.

Gaya nila, kaya rin nating mag-move on, kung talagang ating gugustuhin.

Humanap tayo, ika nga ng ibang lilinyahan o kaya naman ay iaalok din natin ang ating mga nalalaman sa social media gaya ng pages-service, halimbawa, mga paglilinis ng kasangkapan.

O kaya’y pagre-repair ng mga appliance, electrical man o mekanikal.

Sa amin ngang komunidad, naging interpreniyor ang karamihan.

Ang dating mga nagsisipasok sa mga pabrika, mall at opisina, ay natutong mag-alok ng “puto pao” (puto na siopao), ang iba nakapagtinda ng “milk shake” (original version ng milk tea na ngayon). Samantalang ang iba ay nakapagluto ng kani-kanilang specialty na ulam na nilalako sa social media man o sa bahay-bahay.

Maraming paraan ng pagmo-move-on, nasa atin ang diskarte.

Noong wala pang COVID-19, ang salitang move-on ay maririnig mo lamang sa mga nag-uusap tungkol sa pagkakahiwalayan ng magkasintahan o mga nagsasama.

Gayundin naman ang nangyari sa atin ngayon, napahiwalay tayo sa dati nating nakagawian at biglang nagbago ang ating daigdig na ginagalawan.

Kaya nararapat lamang na “i-adjust” natin ang ating mga sarili at buhay upang mapaglabanan ‘di lamang ang virus na nakamamatay kundi ang ilalaman ng sikmurang kumakalam.

Kailangan natin talagang mag-move-on.

Share

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Loading...