Home METRO Kelot arestado sa pananakot gamit ‘pellet gun’

Kelot arestado sa pananakot gamit ‘pellet gun’

PANGASINAN- Arestado ang isang 39-anyos na tricycle driver matapos takutin ang isang pamilya gamit ang ‘pellet gun’ sa Dagupan City ng lalawigang ito nitong Huwebes, Hunyo 13.

Base sa police report, ang mga biktima ng pananakot ay isang 25-anyos na tricycle driver, ang live-in partner nitong 22-anyos at ang anak nilang 3-anyos na lalaki.

Ang suspek at ang mga biktima ay pawang mga residente sa nabanggit na lungsod.

Minamaneho ng biktima ang kanyang tricycle habang nakasakay ang kanyang live-in partner at ang anak nila nang makasalubong nila ang suspek.

Sa hindi malamang rason ay bigla na lang siyang sinigawan ng suspek at pinagbantaan nito sa dayalekto ng Pangasinan na, “Akin sangkalinggis mo ak! Gabay mo butawen ko tay muling mo,” na ang ibig sabihin sa tagalog ay, “Bakit tinitingnan mo ako? Gusto mo butasin ko yang noo mo?” habang may binubunot itong baril sa kanyang bewang.

Dahil sa takot ay agad na pinatakbo ng biktima ang kanyang tricycle ngunit hinabol sila ng suspek.

Agad namang rumesponde ang mga naroroong personnel ng Dagupan CPS.

Nang makumpiska ng mga awtoridad ang sinasabing baril, nadiskubre nilang isa lang itong pellet gun.

Kasong grave threats with the use of pellet gun ang kahaharapin ng suspek na matapos arestuhin ay dinala sa Dagupan CPS para sa wastong disposisyon. Rolando S. Gamoso