POLANGUI, Albay- Pugot ang ulo ng isang lalaki matapos mahulog sa riles ng tren makaraang ataihin ng sakit nitong epilepsy, iniulat kahapon sa bayang ito.
Kinilala ang biktima sa pangalang ‘Noel’, 29-anyos at residente sa Zone 4, Barangay Lanigay, Polangui, Albay.
Batay sa report ng Polangui Municipal Police Station, bandang alas-7:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa Zone 1, ilang metro lamang ang layo mula sa bahay ng biktima sa naturang lugar.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, kasama ng biktima ang kapatid na naglalakad at pauwi na sana sila nang bigla na lamang itong atakihin ng epilepsy at bumagsak sa riles ng tren.
Sakto namang paparating ang tren at sa bilis ng pangyayari ay nakaladkad ang biktima ng halos 15-minuto dahilan para maputol ang ulo nito at magkapira-piraso ang katawan.
Nanawagan naman ang mga awtoridad sa publiko lalo na sa mga residenteng nakatira sa gilid na tren na maging alerto at iwasan na lumapit malapit sa riles ng tren para maiwasan ang aksidente. Mary Anne Sapico