MANILA, Philippines -BINITBIT sa loob ng kulungan ang isang lalaki matapos makuhanan ng hindi lisensyadong baril sa ipinatupad na search warrant ng pulisya sa Caloocan City.
Base sa ulat ni Caloocan Police chief P/Col. Ruben Lacuesta kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, nakatanggap ng impormasyon ang Police Sub-Station 11 na nag-iingat umano ng hindi lisensyadong baril si alyas “Eric”, 46, kaya isinailalim nila ito sa validation.
Nang positibo ang report, hinalughog ng mga tauhan ng SS11 sa pangunguna ni P/Cpt. Renato Florentino ang bahay ng suspek sa Blk 2 Lot 9, Balintawak Street, Doña Ana, Barangay 175, Camarin, dakong alas-7:00 ng gabi sa bisa ng search warrant na inisyu ni 1st Vice Executive Judge Glenda K. Cabello-Marin ng Regional Trial Court Branch 124, Caloocan City para sa paglabag sa R.A 10591.
Nakuha ng mga awtoridad sa loob ng bahay ang isang cal. 38 revolver at 16-pirasong bala nito at nang hanapan ang suspek ng kaukulang mga dokumento hinggil sa legalidad ng naturang baril ay wala siyang naipakita kaya inaresto siya ng mga pulis.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Section 28 R.A 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition Regulation Act) at B.P 881 (Omnibus Election Code). R.A Marquez