IFUGAO – Nag-amok ang isang lalaki at pinagtataga ang mga nakikita sa daan kung saan napatay ang isang limang taong gulang sa bayan ng Asipulo habang sampung iba pa ang nasugatan.
Ang suspek ay nasawi rin sa mga rumespondeng pulis.
Ayon sa pulisya, unang nanaga ang suspek sa isang sitio kung saan tatlo ang kaniyang nabiktima pagkatapos ay lumipat sa isa pang sitio at muling nanaga ng tatlong katao.
Matapos nito ay pinasok niya ang isang barangay hall kung saan apat ang kaniyang nataga kabilang dito ang punong barangay.
Base kay Police Captian Francisco Buyuccan, hepe ng Asipulo Politca Station, nakita ng mga rumespondeng pulis na papunta na sa Antipolo Central School ang suspek.
“Dumating na yung tropa, tatagain sana yung isang babae na nakita, hindi makatakbo sinigawan siya, tapos tuloy pa rin, tatagain talaga. So pinaputukan ng tropa ng isa, tapos tuloy pa rin na tatagain, so another shot,” anang opisyal.
Napag-alaman ng mga awtoridad na dalawang beses nang nakulong ang suspek sa mga kasong murder at frustrated murder. RNT