
MANILA, Philippines – Arestado ang isang lalaki matapos maaktuhang pinaglalaruan at tinutukan ng kanyang dalang baril ang mga puntod sa loob ng isang sementeryo sa Valenzuela City.
Kinilala ni Valenzuela police chief P/Col. Salvadro Destura Jr ang naarestong suspek na si Joselito Almejas, 34, ng padrigal extension, Barangay Karuhatan.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen Rizalito Gapas, sinabi ni Col. Lacuesta na nakatanggap ng tawag sa telephono mula sa isang concerned citizen ang mga tauhan ng Valenzuela Police Sub-Station 9 sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Maj. Albert Juanillo Jr, hinggil sa isang lalaki na naglalaro ng baril sa Karuhatan Public Cemetery sa Padrigal Extension, Brgy. Karuhatan.
Kaagad namang rumesponde sa nasabing lugar ang mga tauhan ng SS9 kung saan naaktuhan nila ang suspek na pinaglalaruan at itinututok sa mga puntod ang hawak niyang baril kaya agad itong kinumpiska ng mga pulis.
Nang hanapan ng kaukulang mga dokumento hinggil sa legalidad ng nakuha sa kanya na isang cal. 38 revolver na kargado ng apat na bala ay walang maipakita ang suspek kaya pinosasan siya ng mga pulis.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Law of Firearms and Ammunition). Rene Manahan