ILAGAN CITY- NAUWI sa trahedya ang masayang paliligo ng magkakaibigan sa ilog makaraan malunod ang isang binata na kanilang kasama matapos mapadpad sa malalim na bahagi ng Abuan River sa Cabisera 10 sa lungsod na ito.
Kinilala ang biktimang si Johnsen Pabro, 20-anyos at residente sa Brgy. Minallu, Naguilian, Isabela.
Batay sa report ng Ilagan Police Station, bandang 12:00 PM nitong Linggo, Setyembre 10 naganap ang insidente sa Abuan River na sakop ng Barangay Lupigue, Cabisera 10.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, bago ang insidente ay nagkayayaan ang grupo ng biktima sa nasabing ilog na maligo kasama na rin ang inuman.
Habang nasa gitna ng kasiyahan, biglang lumusong sa ilog ang biktima kasama ang kaibigan na si Jerry Cabantac.
Ilang minuto ang nakalipas, bigla na lamang tinangay ang dalawa sa malalim na bahagi ng ilog subalit nagawang makalangoy ni Cabantac papunta sa mababaw na bahagi ng ilog.
Subalit, paglingon ni Cabantac hindi na niya nakita pa si Pabro at tuluyan na itong nilamon ng ilog.
Humingi naman sila ng tulong sa mga awtoridad para hanapin ang biktima at makalipas ang dalawang oras na pagsasagawa ng search and retrieval operation ay natagpuan ang katawan ni Pabro.
Isinugod naman sa ospital ang biktima subalit idineklara na rin itong patay ng umatending doktor. Mary Anne Sapico