MANILA, Philippines – Arestado ang isang hinihinalang miyembro ng notoryus na robbery/holdup at carnapping group matapos mahulihan ng baril nitong Biyernes, Agosto 25 sa Taguig City.
Kinilala ng Taguig City police ang inarestong suspect na si Emerson Pillos, 40, miyembro ng Kelly Calauad Dongalo robbery/hold-up at carnapping group.
Base sa report na isinumite ng Taguig police sa Southern Police District (SPD), nalambat si Pillos sa Banana Street, New Lower Bicutan, Taguig City.
Nauna rito ay nakatanggap ng impormasyon ang Taguig police mula sa Barangay Information Network (BIN) na ang suspect ay naghahasik ng takot at nanunutok ng baril kung saan agad na rumesponde ang mga pulis sa naturang lugar.
Sa pagresponde ng pulisya ay naabutan ng mga ito ang suspect na hawak ang isang .22-kalibre rebolber na kargado ng dalang bala.
Sa isinagawang beripikasyon ay nadiskubreng walang dalang kaukulang dokumento ang suspect na magdala na baril na nagdulot ng kanyang pagkakaaresto.
Ayon sa pulisya, si Pillos ay napag-alamang miymebro ng Kelly Calauad Dongalo robbery/hold-up at carnapping group at dati reing miyembro ng Muslimen Saban robbery hold-up group.
Isinailalim muna si Pillos pisikal at eksaminasyon medical sa Taguig Pateros District Hospital bago siya ipiniit sa custodial facility ng Taguig City police.
Ang nakumpiskang baril kay Pillos ay nai-turnover na sa Firearms Explosive Office ng National Capital Region Police Office (NCRPO) habang nahaharap naman ang suspect sa kasong illegal possession of firearms and ammunition sa Taguig City Prosecutor’s Office. James I. Catapusan