Home METRO Kelot timbog sa carnapping sa Cabanatuan

Kelot timbog sa carnapping sa Cabanatuan

MANILA, Philippines – Isang 47-anyos na lalaki na pinaghihinalaang sangkot sa paglabag sa Republic Act 10883 o Anti-Carnapping Act of 2016 ang inaresto ng kapulisan sa lungsod ng Cabanatuan nitong Martes, Hunyo 11, 2024.

Kinilala ni P/Lt. Col. Warly C. Bitog, acting chief of police ng Cabanatuan City Police Station (CCPS), ang arestadong suspek na si Ace Salvatierra y Laxa, binata, residente ng Remigia St., Villaluz Subdivision, Barangay Mabini Homesite, Cabanatuan City.

Ayon sa pulisya, ganap na alas-12:30 ng tanghali nang magkasa ng isang operasyon ang pinagsanib na operatiba nang kapulisan sa Barangay Dicarma, Cabanatuan City.

Ito ay matapos na magpalabas ang korte ng warrant of arrest laban sa suspek sa paglabag sa nabanggit na kaso ng carnapping, sa Regional Trial Court (RTC), Branch-24, Cabanatuan City, pinetsahan noong Hunyo 5, 2024 , may piyansa sa halagang P300,000.00.

Dagdag pa rito, ang arestadong suspek ay nasa talaan ng mga Most Wanted Person, Rank Number-4, Provincial Level sa lungsod ng Cabanatuan.

Pansamantala, ang suspek ay nasa custodial facility ng CCPS. Elsa Navallo