
PATAY ang isang lalaki matapos barilin ng malapitan ng riding in tandem habang naglalakad sa kalsada kahapon ng hapon sa lungsod ng Quezon.
Kinilala ang biktima na si Roger Eugenio Gereza, 40 anyos, may live-in partner, nakatira sa San Ignacio St., Brgy. Gulod, Novaliches, Q.C.
Sa ulat ng Novaliches Police Station 4, ng Quezon City Police District (QCPD), bandang 12:50 ng hapon (May 19), nang maganap ang krimen sa Villareal St., Brgy. Gulod, Novaliches.
Sa imbestigasyon ni PSSg Giovani D Merilo, naglalakad umano ang biktima kasama ang dalawang kaibigan sa nasabing lugar nang sumulpot ang mga suspek mula sa likuran at binaril ang biktima habang ang kasama nito ay mabilis na tumakbo.
Nang matiyak na wala nang buhay ang biktima ay saka mabilis na tumakas ang mga suspek sakay ng motorsiklo.
Nagsasagawa pa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad sa motibo ng pamamaslang. Jan Sinocruz