PANGASINAN – Patay ang isang 20-anyos na lalaki matapos na aksidenteng bumangga sa signboard ang minamaneho nitong motorsiklo sa Brgy. Pao, Manaoag ng lalawigang ito kahapon ng madaling-araw, Agosto 9.
Kinilala ng Manaoag Municipal Police Station ang biktima na si Mark Justine Calipayo Lapira, 20, walang asawa, isang fastfood crew at residente ng Brgy. Pugaro ng naturang bayan.
Nakasakay ng kulay itim na Yamaha Mio motorcycle ang biktima at patungong kanlurang direksyon nang hindi nito matantsa ang pagmamaneho at bumangga sa signboard.
Matapos bumangga sa signboard, bumagsak ang drayber sa kalsada at nagtamo ito ng mga sugat sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan.
Ang biktima ay ikinarga sa Brgy. Ambulance at dinala sa Manaoag Community Hospital.
Gayunman, hindi na nagawa pang maisalba ang biktima ng umatending doktor. Rolando S. Gamoso