MANILA, Philippines- Sinampahan ng Department of Justice (DOJ) ng ₱176 million tax evasion case ang isa sa top government contractors ng pamahalaan dahil sa umano’y paggamit ng ghost receipts.
Inihain ng DOJ sa Court of Tax Appeals (CTA) ang walong information laban sa Hilmarc’s Construction Corporation dahil sa paglabag sa Sections 254 (Attempt to Evade or Defeat Tax) at 255 (Failure to Supply Correct and Accurate Information) in relation to Sections 253(d) at 256 ng Tax Code.
Sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na ang mga kasong kriminal ay nag-ugat sa reklamong inihain ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa kagawaran bunsod ng paggamit umano ng mga pekeng resibo mula sa mga gawa-gawang kompanya para makaiwas sa pagbabayad ng buwis.
“The Department of Justice, after careful review of the pieces of evidence, found prima facie evidence with reasonable certainty of conviction to charge Hilmarc’s and its corporate officers Efren Canlas, Robert Henson, and Cristina Elisse Canlas.”
Bukod sa kasong kriminal, nahaharap din ang Hilmarc’s sa civil liabilities na umaabot sa P176,363,284.77 sa basic tax liabilities.
Ayon sa DOJ, ipinalabas ng Hilmarc’s na mukhang lehitimong transaksyon ang mga mga pekeng resibo at invoices na inisyu umano sa mga ghost companies gaya ng Unimaker Enterprises Inc. at Everpacific Incorporated.
Sinabi ni Remulla na ang ginawa ng Hilmarc’s ay nakaapekto nang malaki sa tax collection ng BIR dahil nalugi ang pamahalaan ng bilyong piso.
Iginiit ng kalihim na hindi exempted ang sinumang government contractors sa pagtalima sa kanilang tax obligations. Teresa Tavares