Home METRO Kilos-protesta ng IPs kontra pagmimina sa Palawan, nauwi sa sakitan

Kilos-protesta ng IPs kontra pagmimina sa Palawan, nauwi sa sakitan

PALAWAN-NAUWI sa sakitan ang inilunsad na kilos- protesta ng mga Indigenous People (IPs) para tutulan ang pagmimina ng Ipilan Nickel Corporation (INC) noong Martes ng umaga sa harap ng Haul Road, sa Brooke’s Point, Palawan .

Bitbit ng mga grupo ng IP’s na kinabibilangan ng religious group, Kabataan, at iba’t ibang barangay sa nasabing sa bayan ang kopya ng cease and desist order na inisyu noon ng National Commission on Indigenous People (NCIP) Palawan na naglalaman ng pagpapatigil sa operasyon ng nickel ore mining operation.

Subalit, nagsimula ang tensyon sa mga raliyista at guwardiya ng INC matapos iharang ng mga IP’s ang kanilang dalang bakod sa mga trak na pagpasok sa compound ng minahan ng Ipilan Nickel Corporation sa Brooke’s Point, Palawan.

Dahil dito, nauwi ito sa sakitan habang ang iba ay pinagbabato na nagresulta sa pagkakasugat ng ilang miyembro ng dalawang grupo.

Natigil lamang ang kaguluhan makaraan mamagitan na ang mga pulis na inilagay sa nasabing lugar dahil sa inaasahan posibleng kaguluhan.

Tutol ang LGU at ilang residente sa mining operation dahil ayon sa ulat, idineklara na ang Mount Mantalingahan bilang Ancestral Domain at protected area.

Para sa Indigenous group na Katutubong Palawan, personal ang anti-mining protest dahil ang epekto nito ay nararamdaman nila hindi lamang sa kanilang taniman sa kabundukan kundi maging sa kanilang mga isda.

“Wala na halos, hirap na ang isda doon! Kahit naglalambat kami sa tabi! Umuuwi kaming dalawang pirasong talakitok ang nahuhuli namin! Tapos ngayon nakikiusap kami na itayo namin ito hindi kayo pumapayag?!” boses ng isang residente.

Pagkatapos ay pinahintulutan ng mga guwardiya na ilagay ang bakod sa magkabilang gilid ng kalsada, at ang mga nagpoprotesta ay nag-post ng cease and desist order laban sa operasyon ng pagmimina na inilabas ng local government unit ng Brooke’s Point at ng National Commission on Indigenous People (NCIP) MIMAROPA.

Gayunpaman, inalis ang mga ito nang umalis ang mga nagprotesta habang ipinagpatuloy ang operasyon ng kumpanya.

Giit naman ni Alex Arabis, Resident Mine Manager, Ipilan Nickel Corporation, mayroon silang ligal na basehan kung bakit nila tinanggal. Aniya, malinaw sa rally permit ng mga raliyista na dapat ay gagawin nilang mahinahon at tahimik.

“Dapat bawal pangharang. Sila po yung nag-initiate ng pananakit,” ani pa Arabis.

Ayon kay Major Esperida, kailangang bakantehin ng grupo ang lugar sapagkat ito ay hindi na umano kabilang sa mga venues na pwede nilang pagdausan ng kanilang protesta base sa Mayor’s Permit na ipinagkaloob ng LGU-Brooke’s Point, Palawan.

Ipapaubaya naman sa mga security personnel ng INC ang desisyon kung magsasampa ito ng kaso sa grupo matapos may ilang nagtamo ng sugat at galos sa kanilang katawan dahil sa pambabato.

Nasa 7 security guard at labindalawang nagpoprotesta ang nasaktan. Plano ng magkabilang panig na magsampa ng reklamo sa insidente.

Nagpahayag naman ng kalungkutan sa pangyayari su Brooke’s Point, Palawan Vice Mayor Jeanne Feliciano, dahil hindi man lamang kinikilala ang batas lalo na ang apihin ka sa sarili mong bayan ng dayuhan dahil lamang sa pera./Mary Anne Sapico

Previous articleSnatser timbog sa Pasay
Next articleChina funding sa 2 railway projects ‘di na kailangan ng Pinas – DOTr