Home METRO Kilos-protesta ng mga raliyista vs Cha-cha tinapatan ng mga pulis ng zumba!

Kilos-protesta ng mga raliyista vs Cha-cha tinapatan ng mga pulis ng zumba!

LEGAZPI CITY- Kinondena ng anti-Charter change (Cha-cha) protesters ang Legazpi City police sa hindi nito pagtitiyak ng seguridad sa pagtitipon para sa paggunita sa Edsa People Power Revolution at pagtutol sa pag-amyenda sa Konstitusyon.

Sa halip, nagsagawa ang mga pulis ng libreng concert at zumba event sa Peñaranda Park, katapat ng welga ng antiCha-cha protesters.

Mabuti na lamang at walang naganap na insidente dahil mismong si Lt. Col. Ray Anthony Villanueva, hepe ng Legazpi City police, ay kasali sa zumba activity.

“I am not aware of the issues they (groups) raised because I wasn’t listening to them,” giit ni Villanueva nitong Linggo. “We have our own activity on the other side of the park, which happened to coincide with their rally which is why we were not aware of the issues they were raising.”

Kalaunan ay naglabas ng pahayag ang city police na nagsabing hindi nila na-monitor ang mga kaganapan sa kilos-protesta dahil nakatutok sila sa sariling event.

Itinanggi rin ng Legazpi City police na sinadyang isabay ang kanilang zumba event sa kilos-protesta upang guluhin ang gawain ng mga tutol sa Cha-cha.

Kabilang ang Bicolana Gabriela at Kabataan party list Bicol sa mga grupong nag-organisa ng anti-Cha-Cha protests sa mga lungsod ng Legazpi sa Albay at Naga sa Camarines Sur nitong Linggo.

Kasama rin ang Bagong Alyansang Makabayan sa anti-Cha-cha rally.

Ani Nica Ombao, regional coordinator ng Bicolana Gabriela, naniniwala silang sinadya ng Legazpi City police na tapatan ng mga pulis ang kanilang aktibidad nitong Linggo, at sinabing madalas magsagawa ang unit ng sarili nitong events tuwing may progresibong grupong nagsasagawa ng kilos-protesta sa Peñaranda Park. RNT/SA

Previous articlePBBM sa People Power anniversary: Maraming dapat matutunan mula sa kasaysayan
Next articleProyektong iginawad sa Miru binubusisi ng poll watchdog