Home HOME BANNER STORY Kinaroroonan ni Bantag alam ng DOJ

Kinaroroonan ni Bantag alam ng DOJ

MANILA, Philippines – Alam ng Department of Justice (DOJ) kung saan maaaring matunton ang puganteng si dating Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag.

“More than one year already [he’s] been hiding as a fugitive, but the efforts are still ongoing. We are aware of his whereabouts,” pahayag ni DOJ spokesperson and Assistant Secretary Jose Dominic Clavano IV.

“It’s just that alam naman natin na hindi talaga ‘yan papayag na magpahuli nang buhay. Mahirap din na ilagay natin ang law enforcement agents in precarious or dangerous spot. We have been patient… We hope to do this in the most peaceful manner,” dagdag ni Clavano.

“As any fugitive will do, hindi lang siya nagtatago sa isang lugar and ‘yung mga lugar na ito are remote areas, far-flung areas where meron talaga siyang mga supporters. So we hope na we execute itong WOAs (warrants of arrest) peacefully,” pagpapatuloy nito.

Ngayong linggo, ibinasura ng Court of Appeals ang petisyon ni Bantag na petition for certiorari sa November 2023 order ng Las Piñas Regional Trial Court-Branch 254 na tumanggi sa motion to quash information at warrant of arrest, maging sa kautusan ng korte na tumanggi naman sa motion for reconsideration nito.

Ani Clavano, bagama’t alam ng DOJ ang kinaroroonan ni Bantag, nagiging maingat pa rin umano ito dahil nais nilang maisilbi ang arrest warrant laban dito “in the most peaceful manner.”

“Lagi kaming bukas sa negotiation sa voluntary surrender… kung mag-surrender talaga siya it will mean certain concessions on the part of the judge na mitigating circumstances. Magkakaroon ng mitigating circumstances kung mag-surrender si Ginoong Bantag,” aniya.

Si Bantag ay nahaharap sa kaso dahil sa pagpatay kay Percy Mabasa o Percy Lapid noong Oktubre 3, 2022.

Noong Marso 2023, naghain ng murder charges ang Department of Justice (DOJ) laban kay Bantag at kay dating deputy security officer Ricardo Zulueta sa Las Piñas court na may kaugnayan pa in sa pagkamatay ni Lapid.

Nag-isyu ng arrest warrants ang korte laban sa mga ito noong Abril 2023.

Nauna nang nag-alok ang DOJ ng cash reward na P2 milyon sa makapagbibigay ng impormasyon sa kinaroroonan ni Bantag, habang P1 milyon naman sa makapagtuturo kay Zulueta.

Noong Abril, nilusob ng National Bureau of Investigation (NBI) ang hinihinalang hideout ni Bantag sa Laguna at Caloocan City ngunit bigong maabutan si Bantag.

Samantala, si Zulueta naman ay pumanaw na noong Marso 15 dahil sa heart failure.

Ang dalawa ay kinasuhan din dahil sa pagkamatay ng middleman sa pagpatay kay Lapid na si Jun Villamor.

Sa autopsy ni forensic pathologist Dr. Raquel Fortun, nakitaan ang bangkay ni Villamor ng “history of asphyxia by plastic bag suffocation.”

Samantala, sinentensyahan ang self-confessed gunman na si Joel Escorial, ng hanggang 16 na taong pagkakulong dahil sa pagkamatay ni Lapid. RNT/JGC