
KATAWA-TAWA ang mga miyembro ng progresibong Makabayan bloc ng House of Representatives dahil malaki ang takot nila sa pagkatalaga ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kay Gilbert “Gibo” Teodoro bilang defense secretary.
Aba’y may pasubali pa ang mga ito kay Teodoro na unahin o pagtuunan ng pansin ang problema sa West Philippine Sea sa halip na gawin ang red-tagging.
Hinikayat pa ng mga ito ang kalihim ng Department of National Defense na ibalik ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at mga rebeldeng komunista.
Para ano? Para habang may usapang pangkapayapaan ay tatraydurin naman ng komunistang terorista ang pamahalaan sa pamamagitan nang muling pagrerecruit ng mga walang malay na mag-aaral at mamamayan na mag-aklas sa gobyerno?
Naku, hindi na dapat magpaloko pa ang pamahalaan. Lalo na ang mamamayan. Luray-luray na ang komunista o New People’s Army kaya’t di na dapat pang bigyan ng pagkakataon na lokohin o takutin na naman ang mamamayan para lang makiisa sa baluktot nilang adhikain.
Huwag nang linlangin pa ng mga nasa kabilang bakod ng pamahalaan ang mamamayan na kunwari ay nag-aalala sila para sa kalagayan ng bansa sa ginagawang pambu-bully ng China.
Hindi pa pwedeng pagsabayin ni Teodoro ang pagtutok sa problema sa West Philippine Sea at gayundin sa komunismo at terorismo?
Natatakot lang kasi ang mga nasa Makabayan Bloc na tuluyan nang maubos ang kanilang mga kasangga sapagkat maganda ang ginagawa ng National Task Force to End Local Communist and Armed Conflict na kumikilos hindi upang makipagsabayan sa kalaban sa madugong paraan subalit hinihikayat ang mga tagasuporta ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army- National Democratic Front lalo na ang mga nasa kanayunan na putulin na ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga ito at sa halip ay magbalik-loob na sa pamahalaan kung saan kakalingain sila sa kanilang pagbabalik sa lipunan at pagbabagong buhay.
Eh, ano ba ang ginawa ng mga komunista sa buhay ng mamamayang Pilipino? Hindi ba’t ginawa nilang miserable? Kaya nga baka kaya kontra sila kay Gibo ay dahil may itinatago silang “kalansay sa kanilang taguan.” O pwedeng masabi ring takot sila sa sarili nilang multo? Takot siya na bweltahan sila sa kanilang mga katarantaduhang pinaggagawa.
Kaya, welcome back Defense Secretary Gilbert “Gibo” Teodoro!