Kinulang sa talino o sumobra sa gulang?

Kinulang sa talino o sumobra sa gulang?

June 30, 2020 @ 10:43 AM 2 weeks ago

  •  
  •  
  •  
Share

Nakalulungkot ang nangyaring pagkakapatay ng mga pulis sa apat na batang sundalo sa Jolo, Sulu.

Ang mga napaslang na Army personnel ay nasa isang intelligence mission o pagtukoy sa kuta ng mga terorista sa Barangay Busbos nang todasin ng mga pulis.

Ayon sa paunang ulat, sinita ng mga pulis ang isang kahina-hinalang SUV pero imbes daw na huminto ay humarurot kaya nagkaroon ng habulan.

Nang makorner, naglabas daw ng mahahabang baril ang mga biktima kaya pinaputukan ng mga parak hanggang sa mapatay.

Humihingi ngayon ang Philippine Army ng full-blown investigation sa nangyari.

Sinabi ni Army commander Lieutenant General Gilbert Gapay, hindi naman daw nakitaan ng anomang probokasyon ang kanyang mga tauhan para agad rapiduhin ng mga bata ni PNP chief, Gen. Archie Gamboa.

Marami rin ang nagsabi na wala naman daw talagang nangyaring engkuwentro dahil walang hawak na baril ang mga sundalo.

Ang totoo pa nga raw, nagpakilalang sundalo ang mga biktima pero humantong pa rin iyon sa madugong insidente.

Sadyang nagpadaskol-daskol lang umano ang mga pulis sa pagkalabit ng gatilyo ng baril.

Bihasa at mahuhusay raw sa digmaan ang mga napatay na sundalo.

Kung nagkaroon daw talaga ng palitan ng putok, baka unang nalagas ang mga pulis. O baka tabla lang sila.

Pero wala ni isang nadaplisan ng bala sa mga rakpa.

Ang nangyari ay sinasabing hindi shootout kundi rubout kaya kailangan ng masusing pagsisiyasat, hindi ng PNP o ng AFP, kundi ng National Bureau of Investigation.

Marami na tayong nabalitaang ganitong insidente na misencounter kuno.

Ngunit ang totoo, sadyang kinulang lang sa intelligence o talino ang mga pulis.  Ang sumobra sa kanila ay ang pagkamagulang.

At dahil sa panibagong kapalpakan, apat na sundalo ang nasayang ang buhay… sa kamay ng mga may makakating daliri o mga pulis na hindi muna gumagamit ng kukote.

Mga pulis na palagi na lang e sa gatilyo ng baril idinaraan ang pagpapatupad ng batas.

Tsk, tsk, tsk!

Share

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Loading...