Home METRO Klase sa Pateros suspendido sa Pebrero 12

Klase sa Pateros suspendido sa Pebrero 12

MANILA, Philippines – Inanunsyo ni Pateros Mayor Miguel Ponce III ang suspensyon ng klase sa mga eskwelahan sa buong munisipalidad sa darating na Pebrero 12 (Lunes).

Nilagdaan ni Ponce ang Executive Order No. 1, Series of 2024 na nagdedeklara ng pagsuspindi ng klase sa lahat ng lebel ng pampubliko at pribadong eskwelahan sa munisipalidad kaugnay sa selebrasyon ng piyesta ng Sta. Marta.

Ayon kay Ponce, ipinagdiriwang ng mga residente ng Pateros ang piyesta ng Sta. Marta tuwing ika-2 linggo ng Pebrero na tumapat ngayong Pebrero 11 kung saan isasagawa sa munisipalidad ang Pagoda sa Daan at Pandangguhan.

Dahil sa pagkabahala sa banta ng kalusugan at idudulot ng matinding trapiko, inihayag din ni Ponce ang pagbabago ng iskedyul ng Pagoda sa Daan na karaniwang ginagawa tuwing Sabado ng umaga.

Sinabi ni Ponce na base sa karanansan noong nakaraang taon, ang mga mananayaw ay hindi nakayanan ang tindi ng init ng araw kung saan ang iba sa mga ito ay nakaranas ng pagkahilo at pagkahimatay habang ang iba naman ay nadala pa sa ospital.

Sa selebrasyon na gagawin ngayong taon ay sinabi ni Ponce na ang Pagoda sa Daan ay gaganapin na sa gabi ng Pebrero 9 at tatawaging Pagoda sa Daan Parade of Lights.

Samantala, ang lugar naman na pagdadausan ng Pandangguhan ay ililipat sa Pateros Elementary School multi-purpose building sa Barangay San Pedro. (James I. Catapusan)

Previous articleTuna trade sa Indonesia palalakasin ng Pinas
Next articleSMNI nagpasaklolo sa SC