MANILA, Philippines- Posibleng magsanib-pwersa ang Department of Education (DepEd) at World Bank Group para paghusayin pa ang kalidad ng edukasyon sa bansa.
Sa kanyang opisyal na Facebook page, ibinahagi ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte ang naging pagbisita ni World Bank Group Country Director for Brunei, Malaysia, Philippines, and Thailand Dr. Ndiamé Diop sa DepEd Central Office sa Pasig City, araw ng Lunes, para sa isang courtesy call.
“Masaya ako na pareho naming kinikilala ang malaking papel na ginagampanan ng edukasyon para sa pagbabago ng buhay at kinabukasan ng bansa,” ayon kay VP Sara.
Sa nasabing courtesy call, ibinahagi rin ni VP Sara na pinag-usapan ng mga opisyal ng DepEd at World Bank Group ang posibleng pagsasanib-pwersa o kolaborasyon na makatutulong para tugunan ang mga hamon sa education sector ng bansa.
Kabilang sa mga posibleng larangan para sa pagtutulungan ay ang implementasyon ng MATATAG Agenda.
Inilunsad noong unang bahagi ng taon, ang MATATAG Agenda ang pinakabagong “battlecry” ng DepEd para lutasin ang mga hamon sa basic education sector.
Nakatuon ang MATATAG Agenda sa paglikha ng curriculum na may kaugnayan sa paghubig sa “competent at job-ready, active, at responsible citizens; gumawa ng hakbang para gawing mabilis ang paghahatid ng basic education facilities at services; pangalagaan ang mga mag-aaral sa pamamagitan ng pagsusulong sa kapakanan ng mga mag-aaral, inclusive education, at isang positive learning environment; at bigyan ng suporta ang mga guro na makapagturo nang maayos. “
Tinalakay din ng DepEd at World Bank Group ang mga posibleng hakbang para palawigin ang pagsasanay para sa Filipino teachers sa pamamagitan ng “Teacher Effectiveness and Competencies Enhancement Project” sa iba’t ibang rehiyon at maging ang paglikha ng karagdagang matibay na eskwelahan sa ilalim ng “Infrastructure for Safer and Resilient Schools” project.
Sinabi pa ni VP Sara na pinag-usapan din ang DepEd Digital Education 2028 o “DepEd DigiEd” program.
Samantala, nagpasalamat si VP Sara a World Bank Group sa grant para sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
“Ako ay positibo na ang kolaborasyon at pagtutulungan ay magdadala ng makabuluhang pagbabago sa edukasyon sa bansa,” ayon kay VP Sara. Kris Jose