MANILA, Philippines- Nahigitan ng Bureau of Customs (BOC) ang target nitong koleksiyon ng buwis para sa buwan ng Hunyo ngayong taon kung saan umabot sa P140 milyon na karagdagang koleksyon ang kanilang nakolekta mula sa target nito noong nakaraang buwan.
Ayon sa BOC, nakakolekta sila ng P74.861 bilyon na mga duties and taxes noong Hunyo, na lumampas ng P140 milyon sa nakatalagang target nitong 74.721 bilyon para sa nasabing buwan.
Batay sa ulat mula sa Bureau of Treasury, ang koleksyon ng BOC noong Hunyo ay nagdala sa kabuuang koleksyon ng ahensya mula Enero hanggang Hunyo sa P434.169 bilyon na mas mataas ng P13.505 bilyon o 3.21% na higit sa P420.66 bilyon na nakatalagang revenue target.
“The figure reflects a P37.434 billion growth compared to the previous year. The increase in revenue was achieved despite the challenges in importation volume, which is negative 2.8% this year for high-value commodities,” saad ng BOC.
Higit pa rito, bagama’t tumaas ng 9.9% ang volume ng langis ngayong taon kumpara noong nakaraang taon, bumaba naman ang kita mula sa nasabing kalakal dahil sa pagbaba ng halaga ng langis sa pandaigdigang pamilihan.
Ang walang tigil na pagpupursige ng BOC laban sa smuggling ng lahat ng anyo ay malaki ang naiambag sa performance ng koleksyon nito. Gayundin, ang anti-smuggling efforts ay nagresulta sa pagkakasamsam ng mga kargamento na may kabuuang tinatayang halaga na P23.8 bilyon ngayong taon. Sa mga ito, P15.54 bilyon ay mula sa pagsamsam ng mga pekeng kalakal, P2.90 bilyon ay mula sa pagsamsam ng mga produktong agrikultural, at P1.85 bilyon mula sa pagsamsam ng sigarilyo/tabako, bukod sa iba pa.
Bukod sa paglampas sa mga buwanang target na koleksyon nito, ang record-breaking na pang-araw-araw na koleksyon na P7.510, na siyang pinakamataas na koleksyon sa kasaysayan ng BOC, ay naitala ngayong taon noong Abril 28, 2023, sa ilalim ng pamumuno ni Commissioner Bienvenido Rubio.
Dahil dito,pinasalamatan ni Commissioner Rubio ang mga empleyado ng bureau para sa kanilang hindi natitinag na dedikasyon at pagsusumikap na humantong sa kahanga-hangang tagumpay na ito. JAY Reyes