MANILA, Philippines- Malaki ang posibilidad na mabawasan ang insidente ng smuggling sa bansa sa oras na gamitin ng Bureau of Customs (BOC) ang kanilang computerized processing system.
Nabatid na noong taon 2015 ay nanalo ang joint venture na Omniprime Marketing Inc. at Intrasoft International (OMI-Intrasoft JV) sa bidding para sa probisyon ng Integrated Enhanced Customs Processing System (IECPS), kasama ang proyekto ng Philippine National Single Window 2 ang nasabing proyekto ay nagkakahalaga ng P650 milyon.
Ang IECPS ay binubuo ng dalawang pinagsamang computer applications na required umano para sa ASEAN integration.
Batay sa 2005 ASEAN single window agreement, ang joint venture project ay naglalayong bumuo ng “seamless, paperless, and touchless” processing system sa mga transaksyon ng BOC sa buong bansa, na magbibigay-daan para sa “unified data submission and decision-making point” para sa ahensya. Sa proyekto ay maaari ring tumaas ang koleksyon ng buwis sa BOC ng 30% hanggang 50%.
Ayon sa kinatawan ng OMI-Intrasoft JV na si Anabelle Arcilla, sa halip na ipatupad ang computerized processing system, na nagkakahalaga ng P650 milyon, nag-apply ang BOC ng ₱4-bilyong loan mula sa World Bank para sa bagong bidding ng proyekto.
Naglabas na rin ng writ of execution ang Manila Regional Trial Court para sa nasabing proyekto ngunit sa loob ng halos siyam na taon ay sinabi ng kompanya na nagkaroon ng pushback sa pagpapatupad ng proyekto.
Ayon naman kay Alfredo Villamor, counsel for OMI-Intrasoft JV, implementasyon na lamang umano ang pinag-uusapan, dahil hanggang ngayon ay hindi pa umano naipapatupad ang writ of execution. Aniya, merong pending motion for contempt laban sa kasalukuyang commissioner ng customs. JAY Reyes