MANILA, Philippines- Nakatakdang maglabas ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng notice of violation laban sa construction company na nangangasiwa sa LRT1 North Extension-Common Station Project para sa umano’y dulot nitong trapiko sa EDSA sa Quezon City nitong Sabado.
Batay sa kopya ng MMDA notice of violation na ibinahagi sa isang ulat, sinita ang kompanya dahil sa “obstruction causing traffic congestion.”
Nitong Sabado, ang mga motorista ng EDSA northbound lanes sa Quezon City ay naipit sa mabigat na trapiko matapos isara ang ilang lanes dahil sa construction activity para sa common station.
Tanging ang zipper lane — ang EDSA Carousel Bus lane — ang bukas para sa mga sasakyan, base sa ulat.
Nilagdaan ang notice of violation ni MMDA Assistant General Manager for Operations Assistant Secretary David Angelo Vargas, kung saan inaatasan ang construction company na agad itigil ang construction activities nito, magpakita sa MMDA sa loob ng 24 oras mula nang pagkakatanggap ng notice, at asahan ang pagpataw ng parusa.
Hindi naman isinapubliko ang pangalan ng construction company. RNT/SA