Home NATIONWIDE Kompensasyon sa Marawi siege victims suportado ng DBM

Kompensasyon sa Marawi siege victims suportado ng DBM

85
0

MANILA, Philippines – Nangako ang Department of Budget and Management (DBM) na magbibigay ito ng kaukulang suporta para sa nine-man Marawi Compensation Board (MCB) na magbibigay ng monetary compensation sa mga biktima ng 2017 Marawi siege.

Ito ang sinabi ni Budget Secretary Amenah Pangandaman nang makipagkita ito kay MCB chairperson Maisarah Dandamun-Latiph nitong Biyernes, Pebrero 3 sa opisina ng DBM sa Maynila.

Ilan sa mga naging agenda ng pagpupulong ay ang usapin patungkol sa budget, funding sources at implementing rules and regulations ng Republic Act (RA) 11696 o ang Marawi Siege Victims Compensation Act.

Nangako rin ang DBM na buong suporta sa rehabilitation at recovery efforts sa Marawi City.

“The rehabilitation and recovery of Marawi City is a project that is close to my heart as a fellow Maranaoan,” ani Pangandaman.

Ang pagpupulong ay naganap halos isang linggo lamang makaraang manumpa si Dandamun-Latiph bilang MBC chair.

Binibigyang mandato ng RA 11696 ang MCB na magbigay ng kompensasyon sa mga qualified claimants sa lalong madaling panahon.

Sa ilalim ng batas, inaatasan ang MCB na magpasilidad sa tax-free payment ng reparations sa eligible claimants na nawalan ng residential, cultural at commercial properties kasabay ng Marawi siege.

Binibigyan din ng RA 11696 ang private property owners ng kompensasyon batay sa current market value ng lupa at replacement cost sa mga nasirang istruktura.

Makatatanggap naman ang MCB ng operating budget na hindi lalampas sa P50 bilyon na kukunin mula sa Contingent Fund ng budget ngayong taon. RNT/JGC

Previous articleEDCA deal ‘di dapat ikabahala – Galvez
Next articlePH navy warship binuntutan ng 4 na Chinese vessel – PCG