Home HOME BANNER STORY Kondisyon ng mga Pinoy sa Hawaii mahigpit na minomonitor ni PBBM

Kondisyon ng mga Pinoy sa Hawaii mahigpit na minomonitor ni PBBM

MANILA, Philippines – MAHIGPIT na minomonitor ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa tulong ng Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Migrant Workers (DMW) ang kondisyon ng mga Filipino sa gitna ng nangyaring wildfire sa Lahaina, Maui Island sa Hawaii kamakailan.

Sa kanyang opisyal na X account,  sinabi ni Pangulong  Marcos na sinusubukan ng gobyerno sa pamamagitan ng DFA at DMW na idetermina ang bilang ng mga Filipino na posibleng apektado ng  wildfire sa Hawaii.

Binigyang diin nito na handa ang Consulate sa Honolulu na tulungan ang mga ito.

Winika pa ng Pangulo na ang mga apektadong Filipino ay maaaring humingi ng tulong sa pamamagitan ng 24/7 emergency hotline +1808 253-9446 o sa pamamagitan ng official e-mail address ng gobyerno na [email protected].

“Kasalukuyang nakikipag-ugnayan din ang Philippine Consul General sa Hawaii sa mga lokal na awtoridad at Filipino community sa anumang bagong impormasyon patungkol sa insidente,” ayon sa Punong Ehekutibo.

Sa ulat, sinabi ng DFA na mayroong 50 Pinoy teachers ang nakaligtas sa wildfire sa Maui Island.

Tinuran ni DFA Assistant Secretary Paul Cortes, na nasa shelter na ang 50 guro at inaalagaan ng Hawaii at US government.

Maliban pa rito, bibigyan ng pinansyal na ayuda ang mga nasagip na guro ng pamahalaan at nakahanda rin silang ilikas sakaling humiling sila ng repatriation.

Lumalabas sa census ng Amerika na nasa 388,000 Filipino ang nasa Hawaii at ang mga guro na nailigtas ay mayroong J1 visa na kwalipikado sa visa exchange visitor program sa Amerika at mananatili roon ng dalawa hanggang tatlong taon.

Sinabi pa ni Cortes, hindi pa naman matukoy kung mayroong mga Filipino ang kabilang sa 99 na nasawi sa naturang wildfire.

Kaya payo niya sa mga may nawawalang kamag-anak na magsumite ng DNA sample para masuri kung ang mga ito ang nasawi sa wildfire.

Ito ay dahil wala umanong breakdown na ibinibigay ang gobyerno ng Hawaii kung anong mga lahi o nationality ang mga nasawi kaya hirap umano ang konsulado ng Pilipinas na makilala kung may mga Pinoy na nasawi sa wildfire. Kris Jose

Previous article5-year labor, employment plan aprubado na ni PBBM
Next articleAyuda sa mga apektado ng MT Princess Empress oil spill tuloy-tuloy pa rin – DSWD