Home OPINION KONGRESO, PUNTIRYA SI QUIBOLOY

KONGRESO, PUNTIRYA SI QUIBOLOY

BIDANG-BIDA na naman sa mga balita si Apollo Quiboloy, ang founder ng sektang Kingdom of Jesus Christ, matapos ang halos magkasabay na paglabas ng subpoena ng parehong kapulungan ng Kongreso laban sa kanya. 

Patikim pa lang ang pagpapatawag ng parehong Senado at Kamara de Representantes kay Quiboloy dahil sa mga isyung may kinalaman sa prangkisa ng kanyang Sonshine Media Network International o SMNI.

Sa nakalipas na mga taon, iniuugnay si Quiboloy sa pagbabanta sa mga mambabatas, pagpapakalat ng maling impormasyon, at pag-iingat ng mga baril. Pawang seryoso at nakababahala ang mga ito na nagpapahiwatig ng garapalang paglabag sa mga batas.

Nauna rito, idinetalye sa testimonya ng mga saksi ang mga pananakit, seksuwal na pang-aabuso, at paghihirap sa kamay ni Quiboloy at ng kanyang mga tauhan. Mula sa mga dating kasapi ng KOJC na nag-aakusang sinaktan niya, hanggang sa mga babaeng Ukrainian na nagrereklamo nang pang-aabusong seksuwal, itinuturo nila ang pastor bilang pangunahing suspek. Maging ang umano’y sarili niyang apo ay nagkuwento na pinahirapan at idinetine raw sa utos ni Quiboloy.

Ang imahen ni Quiboloy na nagbibitbit ng mga bag ng iba’t ibang klaseng baril at nagpaplano ng mga pagpapahirap at pang-aabuso ay dumurog sa moral authority, kung mayroon man, ng religious leader, na ipinangangalandakan ang sarili bilang “appointed son of God.” Ang mga akusasyon sa kanya, sakaling mapatunayang totoo, ay hindi lamang gawaing kriminal kundi pagtatraydor sa tiwala at lantarang panloloko sa prinsipyo ng pananampalataya at pagmamalasakit sa kapwa.

Kung babalewalain ni Quiboloy ang subpoena ng Senado sa hindi pagsipot sa pagdinig nito, ang kahihinatnan niya ay maaaring kasing tindi nang sinapit ng mga host ng SMNI noong Disyembre. Pwedeng-pwede siyang i-cite ng contempt ng Senado, na mauuwi sa posibilidad na makulong siya, gaya nang ginawa ng Kamara de Representantes kina Lorraine Badoy at Jeffrey Celiz habang nasa kustodiya nila.

Sakaling siputin ni Quiboloy ang pagdinig ng Senado, maaaring magbago ang dynamics. Posibleng depensahan siya ng kanyang mga kaalyado sa Senado. Baka kumilos si Sen. Robin Padilla at iba pa para maiiwas siya sa inaasahan nang panggigisa ni Sen. Risa Hontiveros.

Kung ikokonsidera ang tindi ng mga alegasyon laban kay Quiboloy, kabilang ang sex trafficking at pagpupuslit ng limpak-limpak na salapi — na dahilan kaya napabilang siya sa listahan ng Most Wanted ng FBI — ang pagharap niya sa Senado ay magiging isang pivotal moment.

Posibleng maging oportunidad ito para mailapat ang mailap na hustisya at mabulgar ang katotohanan. Ang pagpapanagot kay Quiboloy sa lahat ng kanyang ginawa ay nakasalalay sa magiging aksiyon ng Senado.

Sa huli, bitbit ng mga krimen na ibinibintang sa kanya ang isang katanungan: Gawain ba iyon ng isang pastor o ng demonyo?

*        *       * 

SHORTBURSTS. Para sa mga komento at reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X.

 

Previous articleEXEMPTION SA PAGTAAS NG SAHOD, MAAARING I-APPLY SA RTWPB
Next articlePRO3 NEW ANTI-CRIMINALITY STRATEGY