MANILA, Philippines – Sugatan ang isang municipal councilor na nakaligtas matapos pagtangkaang patayin sa harap ng kanyang tirahan sa Villanueva, Misamis Oriental.
Sinabi ni Major Joanne Navarro, tagapagsalita ng Police Regional Office-10 (Northern Mindanao), na nasa stable na kondisyon si Konsehal Hermil Valledor, 45, matapos magtamo ng mga pinsala nang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang gunman.
“We urged our elected officials who are receiving threats on their lives to coordinate with our police force, we are always willing to cooperate,” ani Navarro sa isang radio interview.
Sa isang ulat, sinabi ni Maj. Renz Marion Serrano, hepe ng Villanueva police station, na nagtamo si Valledor ng mga sugat sa kanang cheekbones matapos ang pag-atake sa Barangay Lourdes Imelda Linggo ng gabi.
Lumabas sa inisyal na imbestigasyon na si Valledor ay sakay ng naghihintay na mini-truck at papalabas na sana ng gate ng kanyang bahay nang paputukan ng gunman.
Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang .45-caliber cartridge. Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng umatake. Santi Celario