Home NATIONWIDE Konsolidasyon ng prangkisa ng ilang PISTON members binawi

Konsolidasyon ng prangkisa ng ilang PISTON members binawi

MANILA, Philippines- Naghain ng petisyon ang ilang miyembro ng transport group Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) nitong Miyerkules upang bawiin ang konsolidasyon ng mga prangkisa ng kanilang public utility jeepneys (PUJ) sa ilalim ng PUV modernization program ng gobyerno.

Pinangunahan ni PISTON Deputy Secretary General Bong Baylon ang grupo sa paghahain ng kanilang withdrawal petition na humihirit sa board na ibalik ang kanilang mga prangkisa.

Sinabi ni Baylon na nadiskubre nila na hindi lehitimo ang jeepney cooperatives o corporations na sinalihan nila at walang kakayahang pangasiwaan ang kanilang samahan.

“Yun yung inaayawan namin. Mawawala ‘yung karapatan namin bilang operator, mawawala ‘yung karapatan namin bilang stakeholder sa prangkisa,” wika niya.

Base sa PISTON, 75 jeepney operators ang lumagda sa withdrawal petition.

Matatandaang ilang ulit na inilipat ang deadline bago ito itinakda sa December 31, 2023. Subalit, binigyan sila ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. hanggang April 30, 2024 upang mag-apply para sa konsolidasyon sa ilalim ng PUV- modernization program ng gobyerno.

Inilunsad ang PUVMP noong 2017 kung saan inoobliga ang PUV operators at drivers na bumuo ng transport cooperatives o corporations na ayon sa gobyerno ay makatutulong sa kanilang makakuha ng financial assistance na kinakailangan upang makabili ng modern jeepney o euro-4 complaint vehicles. RNT/SA

Previous articleBalikatan exercise aarangkada sa int’l waters
Next article63 Pinoy sa Haiti bigong mapauwi ng DMW