Home NATIONWIDE Kontrata sa VCM para sa 2025 poll dedesisyunan na ng Comelec

Kontrata sa VCM para sa 2025 poll dedesisyunan na ng Comelec

MANILA, Philippines – Sinabi ng Commission on Elections (Comelec) nitong Miyerkules, Pebrero 21 na magdedesisyon ito kung igagawad nito ang kontrata ng vote counting machines para sa 2025 elections sa nag-iisang bidder na South Korean firm na Miru Systems.

Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, malalaman ang desisyon base sa ginawang technical evaluation, post-qualification at iba pang isyu kaugnay sa kumpanya.

Ginawa ni Garcia ang pahayag matapos ang demonstrasyon ng Miru.

Sinabi ni Garcia na gagawa ng rekomendasyon ang Comelec special bids and awards (SBAC) sa posibleng paggawad ng kontrata sa Miru.

Magdedesisyon ang Comelec en banc kung i-aadopt ang mga rekomendasyon ng SBAC.

Sakaling maigawad ang kontrata sa Miru, sinabi ni Garcia na tutuloy sila sa contract negotiations ngunit kapag hindi naigawad sa Miru ay magkakaroon ng negotiated bidding, kung saan pipili ng ibang contractor.

Plano ng Comelec na mag-arkila ng 110,000 voting machine na may budget na P155,000 kada makina, kabilang ang mga peripheral tulad ng ballot boxes, laptops, pens at iba pa.

Sinabi ni Garcia na inalok ng Miru ang kanilang makina sa halagang P149,000 bawat isa.

Ang voting machines ay iko-customized base sa wishlist ng poll body, ayon naman kay Comelec Commissioner Marlon Casquejo.

Nauna nang nanawagan ang mga mambabatas, election watchdogs at ibang grupo sa Comelec na maging vigilant dahil ang nag-iisang bidder ay may nakaraang kontrobersiya.

Nanindigan naman ang Miru Systems na mali ang mga paratang ng election failures dahil sa teknolohiya. Jocelyn Tabngcura-Domenden

Previous article58 Mindanao solons lumagda sa manifesto; paghiwalay ng Mindanao tinututulan
Next articleStaggered rollout ng P100 wage hike suhestyon ni Concepcion