Home NATIONWIDE Kooperasyon sa infra projects, palalakasin ng APPF – Gatchalian

Kooperasyon sa infra projects, palalakasin ng APPF – Gatchalian

MANILA, Philippines- Inaasahan ni Senador Win Gatchalian na mapalalakas ang kooperasyon ng ekonomiya sa Asia Pacific sa pagbuo ng kritikal na imprastraktura sa gitna ng pandaigdigang panganib tulad ng cyber-attacks, natural na kalamidad, at iba pang nakakagambalang kaganapan.

Kasama sa ika-31 taunang pagpupulong ng Asia Pacific Parliamentary Forum (APPF) ang isang plenary session na nakatuon sa mga kritikal na imprastraktura, na sinasabing isa sa limang nangungunang panganib na kinakaharap ng mundo ngayon.

Ang mga kritikal na imprastraktura ay pisikal at cyber asset, sistema, at network na mahalaga para sa ekonomiya ng iba’t ibang bansa.

“Tiwala ako na mapapahusay ng APPF ang kooperasyon sa rehiyon ng Asia Pacific dahil nagbibigay ito ng plataporma sa mambabatas na talakayin ang magkakaugnay na isyu at maibahagi ang karanasan na may kaugnayan sa pagpapaunlad, proteksyon, at pagpapalakas ng kritikal na imprastraktura,” ayon kay Gatchalian, ang namumuno sa working group sa usaping pang-ekonomiya at kalakalan sa isinasagawang APPF sa bansa.

“Dahil may pagkilala sa pangangailangang protektahan at palakasin ang kritikal na imprastraktura sa iba’t-ibang bansa, ang naturang forum ay magbibigay-daan sa atin na ibahagi hindi lamang ang pagsasaalang-alang sa patakaran, kundi pati na rin ang pinakamahusay na kasanayan o karansan na makakatulong sa iba’t ibang ekonomiya na tugunan ang kanilang sariling hamon pagdating sa cybersecurity at disaster preparedness,” sambit ni Gatchalian.

Ang mga serye ng cyber-attack na ginagawa laban sa ilang institusyon ng gobyerno ay nagtulak kay Gatchalian na maghain ng panukalang batas na dinisenyo upang palakasin ang kakayahan sa cybersecurity ng organisasyon at institusyon ng Pilipinas.

Ang Senate Bill 2066, o ang Critical Information Infrastructure Protection Act, ay nag-uutos sa lahat ng critical information institutions o CII na magpatibay at magpatupad ng mga sapat na hakbang upang protektahan ang kanilang mga sistema at imprastraktura ng information and communications technology o ICT at tumugon sa anumang insidente sa seguridad ng impormasyon.

Sa ilalim ng panukalang batas, inatasan ang lahat ng organisasyon na magkaroon ng sariling opisyal ng cybersecurity at bumuo ng plano hinggil sa cyber-security.

Inihain na rin ng senador ang Senate Bill 939 na naglalayong palawakin ang aplikasyon ng local disaster risk reduction and management (LDRRM) fund.

Ang panukalang batas ay nagmumungkahi ng paggamit ng pondo ng LDRRM sa pagtustos ng mga proyektong pang-imprastraktura na dinisenyo upang gumaan ang epekto ng natural na kalamidad, pagbabayad sa obligasyong natamo sa pagpopondo ng proyekto na may kaugnayan sa disaster preparedness at mitigation, at pagkalap ng kinakailangang tauhan na magpapatupad ng disaster risk reduction programs. Ernie Reyes

Previous articleBinata arestado sa murder sa Kabite
Next articleEpekto ng transport strike sa mga mananakay ‘minimal’ lang – LTFRB