Home NATIONWIDE Kooperatiba non-negotiable sa PUV modernization – DOTR chief

Kooperatiba non-negotiable sa PUV modernization – DOTR chief

MANILA, Philippines – Inihayag ni Transportation Secretary Jaime Bautista nitong Miyerkules, Nobyembre 22 na handa naman ang pamahalaan na solusyunan ang hiling ng mga transport group na kasalukuyan pa ring nagsasagawa ng transport strike.

Ayon kay Bautista, bukas ang pamahalaan na pag-usapan ang demands ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON), ngunit ang consolidation requirement para sa jeepney operators at mga drayber ay nananatiling mahalagang salik sa
public utility vehicle modernization program (PUVMP).

“There were demands and sabi nga namin (we said), we are ready to address all these but one very important issue that sabi namin (we said), non-negotiable ‘yung industry consolidation because we really need the players to consolidate to a cooperative or corporation,” sinabi ni Bautista.

Kabilang sa mga isyu sa PUVMP na inihahayag ng mga transport group sa kanilang tigil-pasada ay ang pag-oobliga ng consolidation sa mga kooperatiba upang makapagtayo ng mas malalaking grupo ng mga PUV, bilang bahagi ng unang phase na nagsimula sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong 2017 na layong palitan ang mga jeepney ng mga sasakyan na Euro 4-compliant engine.

Sa kabila nito, reklamo ng mga drayber at operator na napakamahal ng presyo ng mga bagong unit na mahigit P2 milyon.

“Actually, halos naman lahat (ng demands pwedeng pagbigyan). Ang kailangan lang, konting oras, pero ang sabi ko ang hindi naman talaga pwedeng pagbigyan is ‘yung ayaw nilang mag-consolidate,” ani Bautista.

“Ang tingin namin, this is one of… an important component of the public utility vehicle modernization program,” dagdag pa niya.

Kabilang din sa mga demand ng PISTON ay ang paggawad ng limang taong prangkisa sa mga bagong sasakyan, at pagpapabilis ng paglilipat ng prangkisa sa oras na maibenta ang sasakyan.

“‘Yung subsidy na ‘yan ay mababayaran dun sa registered owner and one of the issue daw diyan ay dahil naibenta na sa kanila pero hindi pa nalilipat ay hindi nila makukuha ‘yung fuel subsidy,” ani Bautista.

“But sabi nga namin kung maipapakita niyo na ‘yung mga documents ay tama, maski hindi pa nata-transfer ay bibigay namin ‘yung fuel subsidy sa kanila,” dagdag pa ng opisyal.

Para naman kay PISTON national president Mody Floranda, bukas naman umano ang grupo na pag-usapan ang tungkol sa isyu ng kooperatiba. RNT/JGC

Previous article‘DOH Health News-Philippines Facebook Page’ ibinabala, ‘di konektado sa DOH
Next articleMALAWAKANG UMENTO SA PHILHEALTH BENEFITS, SISIMULAN SA 2024